Kabataan sa Baguio City, nagprotesta kontra henosidyo sa Palestine

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Higit 300 kabataan at estudyante mula sa Baguio City ang lumahok sa araw ng pagkilos kahapon, Hulyo 7, laban sa henosidyo ng Zionistang Israel, na suportado ng imperyalistang US, sa mga Palestino sa Gaza Strip. Inilunsad ang protesta sa Malcolm Square sa Baguio City sa pangunguna ng Anakbayan-Metro Baguio.

Itinaon nila ang protesta sa ika-9 na buwan ng pagkubkob at walang-tigil na pag-atake at pambobomba ng Israel sa Gaza. Ang mga estudyanteng lumahok sa protesta ay nagmula sa Saint Louis University, University of the Philippines-Baguio, University of Baguio, at University of the Cordilleras.

Simula Oktubre 7, 2023, kung kailan sinimulan ng Israel ang pag-atake sa Gaza, hindi bababa sa 38,153 Palestino ang pinaslang nito, kung saan 15,983 ang mga bata at 10,637 ang kababaihan, sa kabuuang 3,300 insidente ng masaker. Naitala ring nawawala ang may 10,000 katao habang 87,828 ang kabuuang bilang ng mga nasugatan.

“Ang mga Pilipino, dumanas rin ng pananakop, ay nakikibahagi sa pakikibaka sa paglaya mula sa imperyalismong US, gamit ang lahat ng mga pamamaraan para itayo ang isang lipunang may demokrasya, hustisya at kapayapaan,” ayon sa Anakbayan-Metro Baguio.

Kabilang umano dito ang pakikibaka ng mga taga-Cordillera at ng mga katutubong mamamayan dito para sa karapatan sa sariling pagpapasya sa harap ng pang-aagaw ng lupa at pagdambong sa rekurso sa ilalim ng mga patakarang neoliberal na tulak ng imperyalistang US.

“Maraming pagkakatulad ang mga Pilipino at ang masang Palestino. Ito ang dahilan kung bakit dapat tayong makiisa sa mga Palestino, mga inaapi, at ang mamamayang nakikipaglaban para sa ganap na kalayaan,” ayon pa sa grupo.

Higit 30 mga organisasyon sa Baguio City ang nagpahayag ng pagkakaisa laban sa henosidyo sa mga Palestino.

AB: Kabataan sa Baguio City, nagprotesta kontra henosidyo sa Palestine