Balita

Kabataang Makabayan, nagmartsa sa Maynila para sa anibersaryo ng BHB

,

Mapangahas na nagmartsa sa Earnshaw Avenue, Sampaloc, Manila ang higit 60 myembro ng Kabataang Makabayan (KM) mula sa iba’t ibang balangay sa mga uniberisdad, eskwelahan at komunidad noong Marso 31 bilang pagdiriwang sa ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

“Binibigyang-pugay ng Kabataang Makabayan ang mga pulang kumander at kawal ng Bagong Hukbong Bayan. Ipinagbubunyi din ng KM ang lahat ng proletaryong rebolusyonaryong kabataan na naglilingkod sa BHB at ang mamamayang lumalaban,” pahayag ni Maria Laya Guerrero, tagapagsalita ng KM.

Dagdag pa niya, hindi matatawaran ang kabuluhan ng araw ng anibersaryo ng hukbo para sa buong mamamayan at kabataang dinidelubyo ng krisis ng malakolonyalismo at malapyudalismo. “Batid ng dumaraming bilang ng kabataan na ang tanging solusyon sa krisis, at upang iluwal ang mas maalwan at makatarungang kinabukasan ay ang digmang bayan,” aniya.

Sa martsa, bitbit ng mga myembro ng KM ang mga ipinintang larawan nina Kasamang Jose Maria Sison, Kasamang Benito Tiamzon at Kasamang Wilma Austria-Tiamzon. Pinagpugayan ng KM ang tatlong magigiting na lider ng Partido, sampu ng maraming iba pa, na nagbuwis ng kanilang buhay at nag-alay ng panahon para sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.

Kinilala at pinarangalan rin ng grupo ang lahat ng mga kabataang martir na nabuwal sa paglahok sa armadong pakikibaka. Ilan sa kanila sina Kevin “Ka Facio” Castro, Queenie “Ka Kira” Daraman, Arc John “Ka Hunter” Varon, Lennel “Ka Morga” Domanais, Joshua “Ka Kiko” Regalado, at Angelo “Ka Kaloy” del Rosario, Markus “Ka Reb” Tayco, Royce “Ka Alex” Magtira, Baby Jane “”Ka Binhi” Orbe, Asaze “Ka Shyla” Galang, Archie “Ka Ron” Arceta, Hannah “Ka Maya” Cesista, mga rebolusyonaryong kabataang namartir sa nagdaang ilang taon.

“Aalalahanin ng KM ang ehemplo ng mga bayani’t martir na inalay ang lahat para sa rebolusyonaryong adhikain ng proletaryong Pilipino, sa walang pag-iimbot na pagsusulong ng digmang bayan, matapat na paglilingkod sa masa, at determinadong paglaban sa rehimeng US-Marcos II,” ayon kay Ka Maria Laya.

AB: Kabataang Makabayan, nagmartsa sa Maynila para sa anibersaryo ng BHB