Kaguruan at mga empleyado sa CEU, nagsagawa ng 'silent protest'
Naglunsad ng “silent protest” ang mga guro at empleyado ng Centro Escolar University Faculty and Allied Workers Union (CEU FAWU) ngayong linggo. Tugon ito ng unyon sa pagtanggi ng administrasyon na itaguyod ang isang makabuluhang collective bargaining agreement (CBA) para sa 2025-2030.
Bilang protesta, nagdikit ang mga myembro ng unyon sa kanilang damit ng mga panawagan para sa disenteng dagdag sweldo, pagsusulong ng CBA at iba pang karapatan ng mga guro at empleyado. Nagpahayag ng suporta sa sama-samang pagkilos na ito ang mga estudyante ng CEU sa pangunguna ng Anakbayan-CEU Manila.
Noong Oktubre 2 pa nagsampa ng Notice of Strike ang CEU FAWU sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB). Matapos ito mag-deadlock ang negosasyon sa CBA noong Setyembre 25. Hindi mapagkasunduan sa negosasyon kung saan kukunin ang pondo para sa lahat ng mga benepisyo at karapatang isinusulong sa CBA.
Sa panukala ng CEU FAWU, aabot sa humigit-kumulang ₱285 milyon ang kabuuang halaga ng sahod at benepisyong iginigiit ng mga guro at empleyado. Hindi naging katanggap-tanggap sa kanila ang P15 milyong counter-offer ng administrasyon.
Nagpahayag ng suporta sa planong welga ang Anakbayan-CEU Manila. Anito, dapat tanggapin ng administrasyon ng CEU na kung walang ang mga guro at manggagawang di-akademiko, titigil ang paggana ng unibersidad.