Kagyat na makabuluhang aksyon mula sa gubyerno, giit ng mga guro sa harap ng "lubhang mainit" na temperatura
Nanawagan ng kagyat na makabuluhang aksyon sa gubyerno ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines ngayong araw, Marso 3, kasunod ng naiulat na lubhang mainit na temperatura sa National Capital Region. Naitala sa rehiyon ang mapanganib na temperaturang 42-51 degrees Celsius sa iba’t ibang syudad.
Dahil dito, ilang mga lokal na gubyerno ang nagkansela ng klase sa mga paaralang pampubliko habang mayroon ding ilang pribadong paaralan ang nagdeklara ng kanselasyon. Gayunman, tinawag ng ACT-Philippines na tanging pansamantalang solusyon lamang ito bagaman kinakailangan.
“Ang mga estudyante at guro natin ay nagdurusa hindi lamang sa matinding panahon kundi sa matagal nang pagsasantabi ng gubyerno sa mga imprastruktura sa edukasyon,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng grupo. Idiniin ng lider-guro na pinalulubha ang mainit na panahon ng kasuklam-suklam na kundisyon ng mga pampublikong paaralan sa bansa.
“Maliban sa init, ang kalagayan ng paaralan ang mas terible kung bakit mainit sa loob ng mga silid-aralan. Siksikan ang mga bata dahil kulang ng classroom, at karamihan ay walang clinic, gamot, o nurse,” pahayag pa ni Quetua.
Umabot na umano sa sitwasyon na hindi na pinagsusuot ng uniporme ang mga bata, pinagdadala sila ng sariling mga pamaymay at nagsisiksikan sila klinika o canteen para makakuha ng maiinom na tubig.
Sa harap nito, nanawagan si Quetua ng agarang aksyon sa panahon ng kagipitan at pangmatagalang mga solusyon. Kabilang dito kaagad na paglalabas ng pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa mga hakbanging makakatulong sa pagpapalamig sa mga eskwelahan.
Itinutulak din ng grupo ng mga guro na bilisan ang pagtatayo sa ipinangakong 15,000 climate-resilient na mga klasrum at makabuluhang dagdag na badyet sa 2026 para sa mga imprastruktura na pupunan ang 250,000 kakulangan sa klasrum.
Iminungkahi rin nila ang pagtatayo ng mga klinik na mayroong sapat na kagamitan at mga nars sa kada eskwelahan. At pagpapatupad ng naaayong mga protokol sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon tuwing makararanas ng mainit na panahon.
“Hindi dapat natin pahintulutan na isa na namang henerasyon ng mga batang Pilipino ang mag-aaral sa nagsisiksikan at napakainit na mga klasrum na nagsasapanganib sa kanilang kalusugan at nakokommpromiso sa kanilang edukasyon,” ayon kay Quetua. Pagdidiin pa niya, hindi na dapat ipagpaliban pa ang paglalaan ng sapat na pondo para sa dekalidad na imprastraktura.
Suportado ng grupo ang pagpapasa sa House Bill 6398 o the Safe and Healthy Facilities for Educational Institutions Act, na pangunahing ipinanukala ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, na isa ring kanditado pagkasenador ng Koalisyong Makabayan ngayon eleksyong 2025.
Ayon pa kay Quetua, hindi lamang ito simpleng usapin ng “maalwan” na kalagayan ng mga paaralan kundi pagtataguyod sa batayang karapatan ng mga kabataan para sa edukasyon. “Dapat nang kumilos ngayon ang administrasyong Marcos bago pa magkaroon ng kaswalit dahil sa krisis na ito,” aniya.