Kalampagan para sa dagdag-sahod sa Buwan ng Kababaihan

,

Naghahandang magsagawa ng mga serye ng kalampagan at protesta ang mga grupo ng kababaihan, sa pamumuno ng Gabriela, sa pagbubukas ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso. Sinimulan ito noong Pebrero 17 sa harap ng SM North sa Quezon City at sa harap ng Iloilo Provincial Capitol.

“Bubuksan ngayong linggo ang National Women’s Month at tiyak maraming palamuting handog ang Marcos-Duterte admin sa kababaihang Pilipino. Habang sa katunayan, hindi nito nilulutas ang pangunahing sagka sa pagtamasa ng kababaihan ng tunay na kalayaan—ang kahirapan, kawalan ng oportunidad sa trabaho, pandarahas at pagsasamantala sa loob at labas ng tahanan. Sa halip, nangunguna ang pamahalaan sa pagpapabaya at pagpapahirap sa amin, lalo na sa kababaihang anakpawis,” pahayag ni Gabriela Secretary General Clarice Palce.

Ang pagbibingi-bingihan ni Ferdinand Marcos Jr sa hinaing ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod at iba pang problema sa ekonomya ay lalong pinalalala sa “maluhong pamumuhay” niya at ng kanyang pamilya, ayon sa grupo.

“Ayon sa konserbatibong taya ng gubyerno, nabubuhay sa palagiang kahirapan ang 33 milyong Pilipino, at tinatayang dadami pa sila ngayong taon. Pero walang pakialam dito ang mga nangungunang lider habang nagbibyahe sila ibang bansa, nanonood ng mga konsyierto, nagpipiging, nagpapahatid sa mga helikopter, habang ang mga ordinaryong Pilipino ay nagbabayad sa mga ito sa pamamagitan ng dagdag na mga buwis, dagdag-pasahe, sumisirit na presyo ng mga bilihin at serbisyo” ayon kay Palce.

Inaalala ng kababaihan na unang ginunita ang Internasyunal na Araw ng Kababaihang Anakpawis sa bansa noong Marso 8, 1971 laban sa noo’y presidente na si Ferdinand Marcos Sr.

AB: Kalampagan para sa dagdag-sahod sa Buwan ng Kababaihan