Balita

Kampanyang 'puting ribon,' inilunsad ng Bayan Muna para panagutin si Rodrigo Duterte

,

Nagtipon sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City ang mga grupo sa karapatang-tao at mga kaanak ng biktima ng gera sa droga ni Rodrigo Duterte noong Abril 6 para ilunsad ang kampanyang puting ribon. Sa pangunguna ng Bayan Muna Party-list, layunin ng kampanya na palawakin pa ang suporta ng iba’t ibang sektor sa mga kaanak ng mga biktima ni Rodrigo Duterte at kamtin ang hustisya.

Ayon kay Atty. Neri Colmenares, unang nominado ng Bayan Muna, nais nilang palakasin ang panawagan para mapanagot si Duterte na nahaharap sa kasong krimen sa sangkatauhan sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Napailalim sa detensyon ng ICC si Duterte noong Marso 12.

Paliwanag ni Atty. Colmenares, ang puting ribon ay simbolo ng kolektibong pagtangis at higit sa lahat ng hindi nagmamaliw na pakikibaka para makamtan ang hustisya. “Nagtipon tayo ngayon hindi lamang para alalahanin ang mga biktima, kundi para itulak ang pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa kanyang maramihang pagpatay sa mahihirap,” ayon kay Atty. Colmenares.

Sa tala ng mga grupo sa karapatang-tao, tinatayang hindi bababa sa 30,000 ang pinaslang sa ngalan ng huwad na gera sa droga, liban pa sa daan-daang biktima rin ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa mga aktibsita, kritiko at kalaban sa pulitika.

Ang mga lumahok ay nagtali ng puting ribon sa paanan ng Bantayog at namigay ng mga puting ribon sa tapat ng St. Peter Church sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Hinimok nila ang lahat na magtali rin ng puting ribon sa kanilang bahay, sasakyan, at iba pang lugar. Nanawagan din sila na maglagay ng istiker, magsuot ng pin at palitan ang kanilang profile photo sa social media bilang porma ng pakikiisa.

Ayon pa kay Attorney Colmenares, dapat nang wakasan ng rehimeng Marcos ang pagiging ipokrito nito. “Kung tunay siyang nagpapahalaga sa hustisya, dapat nitong protektahan ang mga biktima at kanilang pamilya, at buung-buong makipagtulungan sa mga pagdinig sa ICC. Hindi dapat maging kasabwat sa kultura ng kawalang pakundangan ang estado,” ayon pa sa dating mambabatas.

Panawagan niya sa sambayanang Pilipino, “huwag nating hayaang muling maulit ang madugong kasaysayan. Ang pananahimik ay pakikiisa sa karahasan. Ang pagkilos ay pagpanig sa katarungan.”

Noong Abril 8, nagtali ng mga puting ribon ang Bayan Muna sa harap ng House of Representatives kasabay ng kanilang protesta laban sa pekeng balita. Itinaon nila ang pagkilos sa araw ng pagdinig ng tri-committee hinggil sa paglaganap ng pekeng balita sa social media.

Kinundena ng partido ang mga nagpapakalat ng pekeng balita sa social media at nanawagan na buwagin na ang anti-mamamayang National Task Force-Elcac na numero unong tagpagpakalat ng pekeng balita. Tinatarget ng NTF-Elcac sa pamamagitan ng Red-tagging at sistematikong atake ang mga mamamayang lumalaban para sa lehitimong mga karapatan, kabilang ang mga biktima ng dating rehimeng Duterte.

AB: Kampanyang 'puting ribon,' inilunsad ng Bayan Muna para panagutin si Rodrigo Duterte