Kampuhan kontra komersyalisasyon sa UP-Diliman, inilunsad

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naglunsad ng kampuhan ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman ngayong Mayo 30 bilang pagtutol sa lumalalang komersyalisayson ng pamantasan at nakatakdang pagbubukas ng bagong mall sa kampus nito sa Quezon City. Kasama nila sa kampuhan ang mga manininda na lubhang maaapektuhan ng pagpasok ng malalaking pribadong negosyo sa kampus.

Tatagal ang kampuhan ng mga estudyante at iba pang sektor ng UP-Diliman hanggang bukas ng umaga. Sasalubungin nila ng protesa ang isasagawang pagpupulong ng Board of Regents para muling ipabatid sa kapulungan ang kanilang pagtutol sa iskemang komersyalisasyon ng administrasyon.

Ayon sa UP Not for Sale Network, grupong nanguna sa aktibidad, magsasagawa sila ng serye ng mga talakayan at programa ngayong gabi. Magkakaroon din ng mga kultural na pagtatangla ang mga grupo at estudyante bilang makiisa.

Giit nila, dapat panatilihing abot-kaya ang mga serbisyo sa loob ng UP-Diliman. Mariin nilang tinututulan ang komersyalisadong katangian ng Diliman Mall na patatakbuhin ng CBMS Retail Business Development Consultancy. Nakatakda itong pwestuhan ng PowerMac, UCC, Robinsons at iba pang mga pribadong malalaking negosyo.

“Sa darating na Agosto ang ‘soft-opening ng Dilimall, kasabay ng panahong walang estudyante sa kampus,” ayon sa UP Not for Sale Network. Anila, tila isa itong estilo para isagasa ang pagbubukas ng komersyalisadong espasyo nang walang pagtutol.

Sa halip na malalaking negosyo, dapat umanong suportahan na lamang ng admnistrasyon ang mga manininda at maliliit na negosyante sa dating Shopping Center sa kampus na nasunog noong 2018. Giit ng mga manininda na sila ang bigyang prayoridad sa Diliman Mall at gawing mura ang upa dito.

Noong Abril 24, matatandaang nagbarikada ang network sa kampus kasunod ng biglaang clearing operations na isinagawa ng Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works at Department of Public Order and Safety sa ilang bahagi ng UP Diliman.

Kinumpiska at tinapon ng mga lokal na ahensya ang mga kagamitan ng mga manininda sa Area 2, tulad ng mga stall, lamesa, upuan, mga halaman at karatula, dahil diumano lagpas ang mga ito sa itinakdang lugar na sakop ng kanilang mga tindahan. Ayon sa mga manininda, hindi sila inabisuhan sa isinagawang clearing operations. Kasabay nito, nagkaroon rin ng clearing operations sa Dagohoy St.

Anang network, tiyak silang bahagi ang clearing operations ng taktika ng administrasyon ng UP upang palambutin ang lupa sa pinangangangambang pagsara ng Area 2 at pagpapalayas sa mga shopping center stallholders sa lugar nila sa Old Tennis Court para sa pagbukas ng Dilimall ngayong taon.

Ang mall na itinayo sa UP ay bahagi ng buong balangkas ng UP Master Development Plan (MDP) na inaprubahan ng Board of Regents noong 2014. Ito ang masugid na nagtutulak sa pribatisasyon at komersyalisasyon ng buong unibersidad.

AB: Kampuhan kontra komersyalisasyon sa UP-Diliman, inilunsad