Balita

Karahasan kaugnay ng eleksyon sa Abra, kinundena ng Makabayan-Cordillera

,

Nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Koalisyong Makabayan-Cordillera sa tuluy-tuloy na pagpaslang sa mga sibilyan sa Abra na may kaugnayan sa kampanya at eleksyong 2025. Sa nagdaang linggo lamang, tatlong insidente ng pamamaslang kaugnay ng eleksyon ang naitala sa bayan ng Bangued.

Ayon sa Makabayan, ang pamamaslang na may kaugnayan sa pulitika ay hindi na bago sa Abra. Anito, ito ay dahil ang mga pamilyang nagpapatakbo sa prubinsya at kanilang mga katunggali ay mayroong kani-kanilang pribadong armadong grupo na ginagamit para sa kanilang pampulitikang adyenda.

“Nananawagan kami sa mga pulitiko: Huwag ninyong idamay ang mga sibilyan sa gitgitang pampulitika!” pahayag ni Imelda Tabiando, tagapagsalita ng Koalisyong Makabayan-Cordillera. Aniya, kaawa-awa ang mamamayang Abrenian dahil sa ganitong kairalan sa prubinsya.

Ayon kay Tabiando, malinaw na hindi lamang mga taga-Abra, kundi maging ang buong Cordillera ang nakararamdam ng pagkabalisa sa serye ng pagpaslang at mga pag-atake. Pagdidiin niya, hindi ito makatao at lumilikha ng kultura ng kawalang-pakundangan sa Abra at buong rehiyon.

Matagal nang naninindigan ang Makabayan-Cordillera laban sa “warlordism” sa rehiyon. Dahil dito, kumakaharap sila ng pampulitikang panunupil, pagbabanta at mga paglabag sa karapatang-tao kabilang na ang Red-tagging.

Nanawagan ang koalisyon ng pagkakaisa ng mamamayan ng Abra at Cordillera para humingi ng hustisya at wakasan ang kultura ng kawalang pakundangan sa prubinsya. Hinimok rin nito ang mga kapwa Pilipino na sumuporta sa laban ng mga taga-Abra para sa pangmatagalang kapayapaan.

Sa kasalukuyan, ipinailalim ng Commission on Elections ang tatlong bayan ng Abra sa kategoryang “orange” o mga lugar na mayroong seryosong armadong pagbabanta sa kasagsagan ng eleksyon. Samantala, anim na iba pang bayan ng prubinsya ang nakapailalim sa kategoryang “yellow” o mga lugar na may kasaysayan ng karahasan tuwing eleksyon.

AB: Karahasan kaugnay ng eleksyon sa Abra, kinundena ng Makabayan-Cordillera