Unang Press Freedom Day sa ilalim ni Marcos Jr: Karapatan sa malayang pamamahayag, patuloy na sinisikil

Sa halos isang taong pamumuno ng rehimeng Marcos Jr sa bansa, patuloy na naitatala ng grupong National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang maraming kaso ng paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag. Inilabas ng NUJP ang ulat na ito kahapon, kasabay ng paggunita sa World Press Freedom Day.

Pahayag ng grupo, habang mayroong mga tagumpay sa nagdaang mga taon para sa malayang pamamahayag, higit na nakararami sa kanila ang kumahaharap sa mga pagbabanta at namemeligro pa rin ang kalayan sa pamamahayag.

Sa huling tala ng grupo noong Abril 30, hindi bababa sa 60 ang naiulat na mga kaso ng paglabag sa malayang pamamahayag. Kabilang dito ang dalawang kaso ng pagpatay, dalawang kaso ng pag-aresto, 19 kaso ng harasment sa porma ng paniniktik at abuso sa pananalita, siyam na kaso ng cyberlibel at libel, 12 kaso ng red-tagging at anim na mga kaso ng pagbabanta.

Sa mga kasong ito, 12 ang kinasasangkutan ng mga pwersa ng seguridad ng estado habang siyam ay mula sa dati o kasulukuyang upisyal ng gubyerno. Ang ibang kaso ay kinasangkutan ng mga indibidwal, pribadong organisasyon at iba pa.

“Higit tatlong taon na nang ang ating katrabaho na si Frenchie Mae Cumpio ay inaresto sa reyd sa Tacloban City,” anang grupo. Paliwanag pa nila, “ang mabagal na pag-usad ng kaso—laluna kung ikukumpara sa mabilis na resolusyon ng iba, na mga kasong mas high profile—ay paglabag sa kanyang karapatan sa mabilis na paglilitis.”

Binatikos din ng NUJP ang Anti-Terrorism Act at SIM Card Registration Act na “naglilimita sa [kalayaan sa pagpapahayag] kung saan nagmumula ang kalayaan sa pamamahayag.” Dagdag ng grupo, “ang nangyari kay Frenchie ay isang kaso na nagpapakita kung paano ito magagawa o paanong ginagawa.”

Simula din umano sa panahon ng administrasyong Duterte, maraming kaso ng pagtatangka na kumbinsihin ang mga manggagawa sa midya na mag-disaffiliate sa mga grupo tulad ng NUJP at lantarang tangka na ipinta bilang mga kaaway ng estado ang mga independent at alternatibong midya. “Ang mga ito ay nagpapatuloy pa rin sa ilalim ng bagong administrasyon,” paliwanag nila.

Sa huli, pahayag ng NUJP sa World Press Freedom Day, “ipinaalala natin sa ating mga sarili na magpapatuloy tayo sa paggigiit para maging malaya.”

AB: Karapatan sa malayang pamamahayag, patuloy na sinisikil