Kaso kontra Ressa, ibinasura; estudyanteng mamamahayag sa Bicol, ginigipit

,

Ibinasura ng korte ang panlima at huling kaso ng tax evasion (di pagbabayad ng buwis) laban kay Maria Ressa at kumpanyang Rappler na isinampa noong panahon ng rehimeng Duterte. Samantala, inilantad ng mga estudyanteng mamamahayag sa Ateneo de Naga ang panggigipit sa kanila ng mga sundalo.

Binati ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagwawalangsala kay Ressa at Rappler. Anito, ang pagbabasura sa kaso ay patunay na ang mga ito ay politically-motivated o bahagi ng pampulitikang panggigipit at isinampa para gipitin at patahimikin si Ressa at ang Rappler.

Ang nabanggit na kaso laban kay Ressa ay bahagi ng pampulitikang panggigipit sa kanya at sa Rappler dahil sa pagbabalita ng huli kaugnay sa madugong “gera kontra-droga” ng noo’y presidente na si Rodrigo Duterte.

“Habang hinaharap din ng iba naming kasama ang mga kasong may kaugnayan sa trabaho bilang mamamahayag, ang pinakahuling ligal na tagumpay na ito ay nagpapaalala na dapat tayong patuloy na lumaban,” pahayag ng grupo.

Kabilang sa mga mamamahayag na ito si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista na patuloy na nakakulong sa gawa-gawang kaso ng “terrorist financing.”

Samantala, iniulat ng mga mamamahayag sa kampus sa Naga City ang panggigipit ng mga sundalo sa mga editor at manunulat ng The Pillars, pahayagang pang-estudyante ng Ateneo de Naga University. Sa isang pahayag noong Setyembre 12, isiniwalat nito na tatlong beses na isinagawa ng ilang sundalo ang pagsarbeylans, red-tagging at interogasyon sa isa nitong dating kasapi. Naganap ang “pagbisita” at pagtatanong sa kanya noong Hulyo, Agosto at Setyembre 3. Sa pagkakataong ito, idinawit na rin ng mga sundalo ang tatlong estudyanteng kasalukuyang humahawak sa publikasyon.

“Sinasabi ng mga sundalo na ang layunin nila ay para ‘pangaralan’ kami,” pahayag ng mga mamamahayag ng The Pillar. “Pero malinaw pa sa araw na ang kanilang tanging misyon ay para i-brainwash at pagbantaan ang kabataan dahil sa pagiging kritikal ng mga ito sa administrasyon (ni Marcos).” Kinundena nila ang paglabag ng mga sundalo sa kanilang pribasiya at panggigipit sa pamamagitan ng sarbeylans at red-tagging.

AB: Kaso kontra Ressa, ibinasura; estudyanteng mamamahayag sa Bicol, ginigipit