Kasinungalingan ng NTF-Elcac at mga ahenteng traydor, pinabulaanan ng mga estudyante ng UST
Nanindigan ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) laban sa kasinungalingan at pagsusuka ng basura ng National Security Council, National Task Force (NTF)-Elcac at mga ahenteng traydor nito na nagbigay ng “presentasyon” sa isang porum sa kampus noong Nobyembre 6. Sa porum, matapang at militanteng nakipagdebate ang isang estudyante ng Pilosopiya sa mga tagapagsalita ng NTF-Elcac laban sa Red-tagging at kampanyang panunupil nito.
Sa kabila ng naunang deklarasyon ng UST Political Science Department na hindi na isasali ang NTF-Elcac sa porum dahil sa malawakang pagbatikos, pinahintulutan pa rin nito ang pagsasalita nina Jose Joel Egco, direktor ng NTF-Elcac, at Arian Jane Ramos, bayarang tagasunod ng NTF-Elcac at traydor sa pambansa-demokratikong adhikain ng bayan. Si Ramos ay upisyal ng Buklod Kapayapaan Federations, grupo ng mga “dating rebelde,” na itinayo ng Armed Forces of the Philippines at NTF-Elcac.
Nagsalita at nagtanong sa porum na “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience” ang estudyante sa Pilosopiya at myembro ng Kabataan Party-list UST na Raven Racelis. Patawa siyang kinutsa at binastos ng mga tagapagsalita ng NTF-Elcac dahil sa kanyang paglantad sa pasistang tunguhin at Red-tagging ng ahensya.
Tinalakay sa porum ang mga paksa tulad ng “terror grooming,” “mga praktika ng rekrument,” “karanasan ng mga dating rebelde,” at “pagsusuri sa mga patakarang kontrainsurhensya ng estado.” Ayon kay Racelis, labis na nakaiinsulto ang porum dahil walang batayang inaakusahan nito ang mga talakayan at pag-aaral ng mga organisasyong masa bilang “ideological grooming” at nagpakita pa ng mga larawan ng mga rali na iniuugnay sa armadong rebolusyonaryong kilusan.
“Paano naging terror grooming ang pag-aaral tungkol sa kahirapan, kasaysayan, at tunggalian sa lipunan? Since when did critical thinking become a crime?” pahayag ni Racelis. Binatikos niya rin ang pagbansag ng NTF-Elcac na “recruitment ground” ng rebolusyonaryong kilusan ang mga ligal na demokratikong organisasyon ng mga kabataan.
Nanindigan laban sa porum ang UST Central Student Council at iba pang mga organisasyon sa kampus. “Ang mga Tomasino ay kaisa ng mamamayan sa paglaban, hindi kasangkapan ng pasistang estado! Lubos na tinututulan namin ang NTF-ELCAC at ang dugo’t takot na idinulot nito sa sambayanan!” pahayag ng konseho.
Noong Nobyembre 5 ng hapon, naglunsad ng protesta ang mga estudyante ng UST sa pangunguna ng mga progresibong grupo sa kampus laban sa panghihimasok ng NTF-Elcac. “Batid ng mga Tomasino na ang huwad na forum ay nagsisilbing papel ng estado para palaganapin ang kanilang state propaganda na masamain ang kritisismo at ipagtanggol ang bulok na sistemang umiiral sa mapanupil na estado,” pahayag ni Dex Frogoso, tagapagsalita ng Anakbayan UST.
Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga estudyante ng UST ang iba’t ibang mga grupo kabilang ang Karapatan. “Walang lugar sa loob ng mga paaralan at unibersidad ang NTF-Elcac,” ayon kay dating Kabataan Rep. Raoul Danniel Manuel, myembro ng pambansang konseho ng Karapatan.
Nagbabala ang Karapatan laban sa lumalagong padron ng panghihimasok ng mga ahensya ng estado sa mga eskwelahan at unibersidad para lamang isulong ang “whole-of-nation approach” ng gubyerno na ginagawang normal ang militarisasyon at sarbeylans sa mga estudyante at kabataan. “Layunin ng ganitong paghahasik ng takot na patahimikin ang pagtutol at hadlangan ang sama-samang pagkilos,” dagdag ni Manuel.
Sa balangkas ng doktrinang CVE
Ang taktikang ito ng AFP at NTF-Elcac ay nagmula at nakabalangkas sa doktrinang “countering violent extremism” (CVE o “paglaban sa marahas na ekstremismo”) ng US. Tinataguriang “ekstremismo” o mga “sukdulang ideolohiya” ang anumang ideya na itinuturing na “banta” sa naghaharing sistema. Ipinantatabing ang CVE sa pagsupil sa lahat ng anyo ng pagpapahayag at paglaban sa estado.
Pinalalabas nitong ang “ekstremismo” ang nagtutulak sa mamamayan na lumaban kabilang ang lehitimo at makatarungang pag-aarmas ng mamamayan laban sa reaksyunaryong naghaharing estado. Hindi simpleng mga ideya at paniniwala ang nagbubunga nito, taliwas sa pinalalabas ng CVE, kundi ang mismong kongkretong mga kundisyon ng pang-aapi, pagsasamantala at karahasan ng estado.
Ang CVE ay unang pinagtibay sa ilalim ng administrasyong Obama ng US noong 2014. Ginamit ito noong panahon ng kampanya kontra-Muslim o pagpapalaganap ng Islamophobia, at kasabay na tinarget ang mga progresibong aktibistang pampulitika. Pinalalabas ng doktrina na ang mga Muslim at mga aktibista ay “marahas sa kaibuturan.”
Ginamit ang CVE para sa pagpupulis at pagmamanman sa mga lider ng komunidad para i-profile o bumuo ng larawan ng mga indibidwal batay sa kanilang kilos laluna sa usapin ng relihiyon, lahi at pulitika. Layunin nitong bantayan ang “radikalisasyon” ng mga indibidwal na sinasabing susi para humantong sa “terorismo.” Tinatawag din ito bilang “soft counterterrorism.”
Wala pa mang ginawa ang isang indibidwal, maaari nang bansagang “terorista” ang kanyang ugali at takbo ng pag-iisip. Labag ito sa mga batayang karapatang-tao tulad ng karapatan sa pribasiya, pagpapahayag, pagkilos, pag-oorganisa at iba pa. Nagtatanim ito ng takot at nagbubunga ng “self surveillance” o “pagbabantay sa sarili” upang hindi mapaghinalaan, at sumisira sa mga komunidad.