Kaso laban sa tatlong nagwelgang tsuper, ibinasura

,

Ibinasura ng Muntinlupa Municipal Trial Court ang kasong isinampa laban sa tatlong tsuper na nagpiket sa kasagsagan ng transport strike na isinagawa noong Marso 7. Ibinalita ito ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston). Anila, ibinasura ang kaso matapos paulit-ulit na hindi sumipot sa mga pagdinig ang mga nagsampa.

Ang tatlong tsuper, na kinilala bilang Alabang 3, ay dinakip ng mga pulis noong Marso 7 sa Alabang, Muntinlupa City dahil sa paglahok sa piket-protesta kontra sa jeepney phaseout. Bagaman walang sapat na ebidensya, sapilitang ipinakulong ang tatlo at pinagpiyansa para makalaya ayon sa grupo.

Ang pagkukulong sa mga tsuper ay patunay ng kawalang interes ng estado na tugunan ang mga lehitimong kahingian ng taumbayan para sa proteksyon ng mga prangkisa, kabuhayan, at sa pangmasang pampublikong transportasyon.

“Mas pinipili ng estado na supilin ang kanilang paglaban,” pahayag ng Piston. “Marahas nitong sinusupil, ginigipit, ginagawan ng mga imbentong kaso, at ginagamit ang batas laban sa mga manggagawa at maralitang nakikibaka para sa kanilang mga karapatan.”

Muling nanawagan ang Piston na ipagpatuloy ang laban para sa kabuhayan at prangkisa ng mga tsuper at opereytor ng dyip sa bansa. “Hinding hindi natin hahayaang i-masaker ng gubyerno ni Marcos Jr ang ating mga prangkisa at ibenta ang ating mga kabuhayan at mga ruta sa malalaking korporasyon at mga dayuhang kapitalista,” pagtatapos ng grupo.

Matatandaang dulot ng malawakang epekto at pagkaparalisa ng mga ruta sa Metro Manila bunsod ng inilunsad ng tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon noong Marso 7, natulak ang Malacañang na makipag-usap sa mga grupo at mangakong repasuhin ang mga patakaran kaugnay ng phaseout.

AB: Kaso laban sa tatlong nagwelgang tsuper, ibinasura