Kasunduan para sa operasyon ng Binga Dam sa Benguet, tinutulan

,

Tutol ang mga nakatatanda o elder ng Bokod, Benguet sa alok ng SN Aboitiz Power (SNAP) na kumpensasyon para ipagpatuloy ang operasyon ng Binga dam sa kanilang lupang ninuno. Inilinaw nila ang kanilang paninindigan matapos pumirma sa Memorandum of Agreement (MOA) ang mga kinatawan ng Itogon at SNAP-Benguet noong Pebrero 28.

Ayon sa ulat ng Northern Dispatch, sadyang hindi isinama sa pagpirma ng MOA ang mga kinatawan ng Bokod. Una na nilang tinutulan ang alok na kumpensasyon ng SNAP-Benguet para sa operasyon nito sa Ambuklao Dam. Hindi rin sila sang-ayon sa nabuong MOA para sa Binga Dam.

Ayon sa abugado ng mga taga-Bokod na si Erik Ignacio, kailangang kunin ng SNAP ang pagsang-ayon ng lahat ng kinatawan ng mga katutubong komunidad na sinaklaw ng dam. “Hindi maaaring ietsapwera ang mamamayan ng Bokod sa MOA,” ayon kay Ignacio. Ito ay dahil saklaw ng Binga dam pareho ang mga ancestral domain ng mga Itogon at Bokod.

Ang pagbubuo ng MOA ay tulak ng kasong isinampa ng mga komunidad kaugnay sa di pagbayad ng SNAP ng mga benepisyo at bahagi ng kita sa mga katutubong komunidad sa paggamit nito sa mga natural na rekurso ng kanilang lupang ninuno.

Noong Disyembre 2022, naglabas ang mga nakatatanda ng Bokod ng Resolution of Non-Consent laban sa unang alok ng SNAP. Itinuring nilang insulto at mapagsamantala ang alok ng kumpanya na pagbahagi ng P0.325 per kilowatt-hour sa kanilang mga komunidad.

Dahil sa di pagsang-ayon ng mga taga-Bokod, hiniling ni Norberto Pacio, isa sa mga kinatawan ng Itogon People’s Organization, na ipagpaliban ang pagpirma sa MOA isang araw bago ito maganap. Pero hindi nakinig ang mga kinatawan ng SNAP at National Commission on Indigenous Peoples at itinuloy pa rin ang pirmahan. Tinawag ni Pacio na “maanomalya” ang pagpirma at “walang galang” sa mga taga-Bokod.

Sa ngayon, hiniling ng mga taga-Bokod na huwag bigyan ng certification precondition ang SNAP-Benguet. Ang sertipikasyon na ito ay ibinibigay bilang katibayan na sumunod sa proseso ng pagkuha ng free, prior and informed consent (FPIC) o pagsang-ayon ng mga katutubo ang kumpanya.

AB: Kasunduan para sa operasyon ng Binga Dam sa Benguet, tinutulan