Kasunduang Pilipinas-China para sa eksplorasyon sa WPS, ibinasura

Idineklara ng Korte Suprema noong Enero 10 na labas sa konstitusyong 1987 ang Tripartite Agreement for the Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU), isang kasunduang pinasok ng noo’y rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga kumpanya ng langis ng China at Vietnam. Isinampa ang kaso laban dito noong 2008 ng noo’y mga kinatawan ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo at Teddy Casino. Nagsilbing mga abugado nito sina Atty. Neri Colmenares, dati ring kinatawan ng Bayan Muna, at Atty. Julius Matibag.

Ayon sa Korte Suprema, di rin konstitusyunal ang pagpayag sa mga kumpanyang buong-pagmamay-ari ng dayuhan na magtuklas ng rekurso ng bansa nang walang mga safeguard o paniyak sa interes ng bansa. Pinirmahan ang JMSU noong 2005 sa pagitan ng China National Offshore Oil Corporation, Vietnam Oil and Gas Corporation at Philippine National Oil Company ng Pilipinas. Sinaklaw nito ang 142,880 kilometro kwadradong dagat sa South China Sea na bahagi pa ng “exclusive economic zone” ng bansa.

Iginagalak ng Bayan Muna ang desisyon ng korte.

“Ang pagwawalang bisa ng Tripartite Agreement para sa JMSU…ay magsisilbing dagdag na proteksyon para pangalagaan ang ating teritoryo at mga rekurso,” pahayag ni Atty. Colmenares. Ginamit lamang ng China ang JMSU para tukuyin ang mga lokasyon ng mayayamang rekursong marino sa erya na hindi nito ibinahagi sa Pilipinas, aniya.

Isinalaysay niya na sa nagdaang mga pagdinig sa Kongreso, inamin ng DFA (Department of Foreign Affairs) na binigyan lamang ito ng China mga malabong larawan na walang silbi.

“Tuso ang China kaya nilabanan na ng Bayan Muna ang China noon pa mang 2008,” aniya. “Walang naging benepisyo ang JMSU sa mamamayang Pilipino.” Marapat na magsilbi ang desisyong ito na babala sa lahat ng mga nais ibenta ang rekurso ng bayan at mamanikluhod sa isang makapangyarihang bansa.

Tulad sa iba pang usapin, magkaiba ang tantya ng US at China sa laki ng potensyal na mamiminang langis at natural gas sa South China Sea. Sa taya ng China noong 2018, mayroon ditong mamimina na 293 hanggang 344 bilyong bariles ng langis at 30 hanggang 72 trilyong kubiko metro ng natural gas. Sa taya naman ng US, maaaring makamina ng 16-33 bilyong bariles ng langis at 7-14 trilyong kubiko metrong natural gas mula sa napatunayan at posibleng mga reserba nito. Ginagamit pareho ng China at ng US ang South China Sea bilang lunsaran ng kanilang militaristang pagpopostura.

Liban sa mga rekursong langis at natural gas, krusyal ang bahagi ng karagatang ito sa kabuhayan ng Pilipinas. Ayon kay Jay Batongbacal, eksperto sa international marine environment law, mahalaga ang Kalayaan Islands at erya sa kanluran ng Palawan para sa pambansang seguridad ng pagkain dahil dito nanggagaling ang 20% ng suplay ng isda ng bansa. Ang potensyal na maaaring huling isda rito ay maaaring umabot sa 5 milyong tonelada at may kritikal itong papel sa pagpaparami ng isda sa mga baybay ng Luzon at Sulu Sea, kung saan nakaasa ang malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas.

AB: Kasunduang Pilipinas-China para sa eksplorasyon sa WPS, ibinasura