Protesta laban sa war game ng US, isinagawa ng kabataan

,

Nagprotesta noong Nobyembre 9 ang mga kabataan sa harap ng embahada ng US sa Maynila para batikusin ang pagsisimula ng Kamandag war games na lalahukan ng mga pwersang militar ng US, Japan, South Korea, at Pilipinas. Pinamunuan ang naturang pagkilos ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS).

Marahas na binuwag ng mga pulis ang pagkilos ng mga kabataan. Itinuloy nila ang protesta sa Oblation Plaza sa UP Manila sa Taft Avenue matapos ang pambubuwag.

Ang 12-araw na war game ay inilulunsad ng US sa Pilipinas simula Nobyembre 9. Kalahok dito ang tinatayang 1,800 sundalo, kabilang ang 850 US Marines.

“Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr ang kanyang imperyalistang pangangayupapa,” ayon sa LFS. Mula nang maupo sa poder ay sunud-sunod na ang pagsusuko ni Marcos Jr sa soberanya ng Pilipinas. “Ngayon, pinahihintulutan na naman niya ang pagpapagamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng pagpapakitang-gilas ng US at pang-uupat ng gera laban sa China,” dagdag pa ng grupo.

Giit ng mga kabataan, ang presensyang militar ng US sa Pilipinas ang pinakamalaking banta sa kapayapaan at pambansang seguridad sa bansa. “Ang US ang mastermind sa mga gerang agresyon, gerang proxy at iba pang mga tunggaliang nagaganap sa buong mundo,” dagdag ng LFS.

Anito, ang pang-uupat ng gera at pagpapakat ng pwersang militar ng US sa Pilipinas ay walang kinalaman sa pangangalaga sa interes ng Pilipinas kundi tanging para sa pansariling imperyalistang adyenda at interes nito.

“Ang Pilipinas ay hindi lang isang estratehikong lokasyon na pwedeng gamit-gamitin ng mga dayuhan kapag gusto nila! Dapat nating igiit ang ating soberanya upang ilayo ang ating sarili sa gyera,” ayon sa pambansang tagapagsalita ng Anakbayan na si Kate Almenzo. Giit din nilang ibasura ang lahat ng hindi patas na tratado at kasunduang militar ng Pilipinas sa US.

AB: Protesta laban sa war game ng US, isinagawa ng kabataan