Balita

Koalisyon ng mga manggagawa sa digital sector, itinatag

,

Nagtipon ang mga empleyado ng BPO (business process outsourcing), mga rider, manggagawa sa telekomunikayon at iba pang negosyong digital noong Enero 25 para ilubsad ang Coalition of Digital Employees-Artificial Intelligence o CODE-AI, ang koalisyong kakatawan ng kanilang mga hinaing at karapatan.

Pangunahing panawagan nila na protektahan ang kanilang mga karapatan laban sa banta ng paggamit ng mga kapitalista ng artificial intelligence sa kanilang mga operasyon. Sa impormasyong nakalap ng CODE-AI, aabot sa 300,000 trabaho sa sektor ng BPO ang mawawala sa susunod na limang taon dahil sa AI. Malakas rin ang presyur sa kanila na sagarin ang pagtatrabaho para itaas ang output nang walang katumbas na sahod at benepisyo.

“Nananawagan kami sa gubyerno para sa pro-active at inclusive na pagtatakda na patakaran, lalo ay nahaharap ang mga manggagawa sa banta ng pagkawala ng trabaho, bumabagsak na sahod at iba pang pinsala,” ayon kay Lean Porquia, pinuno ng BPO Industry Employees Network (BIEN), isa sa mga kasapi ng koalisyon.

Kinundena ng CODE-AI ang di makatarungang pagsisante kay Renso Bajala, tagapagalita ng BIEN, matapos magbigay siya ng panayam sa isang mamamahayag kaugnay sa kalagayan ng mga manggagawa sa kanyang sektor. Sinisante si Bajala sa batayan ng “patakaran sa social media” ng kumpanyang Concentrix at American Express. Labag ang terminasyon sa kalayaan sa pagpapahayag ni Bajala at kapwa niya manggagawa.

“Hindi dapat binubusalan ang mga manggagawa,” pahayag ng CODE-AI. “May karapatan kami sa malayang pagpapahayag at asosasyon, at krusyal ang aming paglahok sa mga diskusyon at paggawa ng mga patakaran sa paggamit ng teknolohiyang AI para maipagtanggol (namin) ang karapatan ng mga manggagawa,” ayon kay Bajala.

Iginiitng CODE-AI ang wastong dokumentasyon sa pinsala ng paggamit ng AI sa BPO at iba pang industriya, gayudin ang pagpapanagot sa mga kapitalista, kliyente, kumpanya sa teknolohiya at ng estado sa mga pinsalang ito.

Liban sa BIEN, bahagi ng CODE-AI ang Riders Watch, Gabay sa Unyon sa Telekomunikasyon Supervisors-PLDT (GUTS-PLDT), Digital Justice, Computer Professionals Union, May Day Multimedia, Ecumenical Institute for Labor Education and Research.

AB: Koalisyon ng mga manggagawa sa digital sector, itinatag