Komunidad sa Cupang Muntinlupa, iligal na dinemolis
Sakay sa 10 L300 van, nagmistulang mga tulisan ang mga tauhan ng demolition tim na pumasok nang alas-10 gabi noong Setyembre 7 sa komunidad ng Acero, Immaculate Concepcion at Sto. Nino sa barangay Cupang, Muntinlupa.
Nang mapansin ang kanilang pagpasok, agad na nangalampag ang ilang kabataan upang ipaalam sa komunidad ang mangyayaring demolisyon. Dinukot at binugbog naman ng mga nagdedemolis si Francis Ramil Areglado matapos siyang mahuling kumukuha ng bidyo para i-livestream sa Facebook ang demolisyon. Kalaunan ay dinala siya sa barangay hall ng Cupang kung saan pinilit siyang pumirma sa isang kasunduan kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Ayon sa Karapatan NCR, napilitan pumirma si Areglado dulot ng matinding takot at troma dahil sa pambubugbog sa kanya.
Nagsikap na makipagdayalogo ang mga residente sa sheriff. Anila, may nakasampa pa silang Motion for Reconsideration sa korte noong Setyembre 5. Hilinh nila na ipagpaliban ang demolisyon habang dinidiig pa sa korte ang kanilang kaso kaugnay sa pagmamay-ari sa lupa. Ganunpaman, nagmatigas ang sheriff at itinuloy ang demolisyon.
Sa kasalukuyan ay nagsisiksikan ang nasa 74 pamilya na nawalan ng tirahan sa isang eskinita sa Acero Compound, habang nagpapatuloy ang pagdemolis sa kanilang mga komunidad ng mga tauhan ng Ayala Steel Manufacturing Inc.