Konsyerto kontra katiwalian sa gubyerno, inilunsad ng mga grupo sa Pampanga
Humigit-kumulang 500 katao ang dumalo sa inilunsad na Konsyerto ng Bayan Laban sa Katiwalian sa Angeles City sa Pampanga noong Nobyembre 16. Inilunsad ang konsyerto ng Concerned Citizens of Pampanga (CCP), katuwang ang United Pampanga Artists Against Corruption (UPAAC).
Hindi bababa sa 40 musikero, banda at grupo ang nagtanghal para batikusin ang korapsyon. Kabilang sa mga ito ang progresibong grupo ng mga artista na Concerned Artists of the Philippines.
Liban sa mga pagtatanghal, nagbigay rin ng talumpati ang iba’t ibang mga personalidad at organisasyon. Mayroong nagsalita mula sa hanay ng kabataan, matatanda, at mga biktima ng sakuna at pagbaha.
“Sobra na ang pangungurakot. Panahon nang ipaglaban ang bayan!” pahayag ng UPAAC. Anang grupo, sawang-sawa na ang mamamayan sa pangungurakot, sa kasinungalingan, at sa kawalang-hiyaan kaya dapat ay panagutin ang mga tiwaling upisyal.
Sa pagtatapos ng aktibidad, ipinahayag ng mga organisador na ang tunay na pagbabago ay nakasalalay sa kolektibong pagkilos, patuloy na pagbabantay ng taumbayan, at hindi pag-atras sa laban para sa tapat na pamahalaan.
Noong Setyembre 18, pinamunuan ng CCP ang rali ng 3,000 katao kontra korapsyon ng gubyerno sa San Fernando City sa Pampanga.