Kontra-dam na aktibista sa Rizal, inaresto ng PNP

Iligal na inaresto ng Philippine National Police (PNP) si Danilo Acayin, residente ng Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong Hunyo 5, ala-1 ng hapon habang nasa covered court ng naturang barangay. Dinakip siya ng mga pulis sa diumano’y kasong pagpatay nang wala iniharap na mandamyento laban sa kanya. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG sa Antipolo City.

Kabilang si Acayin at kanyang pamilya sa hanay ng mga residenteng tumututol sa proyektong Wawa-Tayabasan Dam dahil sa mapaminsalang epekto nito sa kanilang buhay, kabuhayan at kapaligiran. Dulot nito simula pa 2020 ay nakararanas na ng harasment, sarbeylans at intimidasyon si Acayin at kanyang pamilya mula sa mga ahente 80th IB, PNP-Rizal at National Task Force-Elcac.

Ayon sa mga residente, ang Barangay Puray ay isa sa naging pokus ng mga pag-atake at panggigipit ng Provincial Task Force-Elcac simula pa 2019. Sinasabi ng PTF-Elcac na isa ang lugar sa mga umano’y base ng Bagong Hukbong Bayan sa prubinsya.

Dulot nito, halos kada taon ay dinagdagan ng kampo ang barangay at naghatid ng perwisyo sa kabuhayan at araw-araw na pamumuhay ng mamamayan sa mga sinaklaw nitong sityo. Sa Sityo Quinao, kadikit lang ng mga bahay ang pwesto ng isang kampo ng 80th IB. Mayroon ding mga kaso na ang mga residente ay pinipigilan sa kanilang kabuhayan na pagkakaingin.

Sa harap nito, nanawagan ang National Democratic Front-Rizal sa mga lingkod bayan, grupong makatao, para-legal, abogado at iba pang organisasyong mapagmahal sa demokrasya na tulungan si Acayin at iba pang mga biktima ng inhustisya at karahasan ng estado. Anila, “dapat ipabasura ang gawa-gawang kasong isinampa sa kanya.”

AB: Kontra-dam na aktibista sa Rizal, inaresto ng PNP