Balita

Kontrol ni Marcos sa mga pagdinig para sa pambansang badyet, nabuking

,

Nalantad sa kamakailang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr ang kanyang kontrol at tahasang pakikialam sa mga pagdinig at takbo ng pagbusisi sa pambansang badyet para sa 2026. Sinabi ni Marcos na siya mismo ang nag-atas sa Kongreso na i-livestream o ipalabas sa internet ang bicameral conference (pulong para pag-isahin ang mga bersyon ng panukalang badyet ng House of Representatives at Senado).

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang pahayag na ito ni Marcos ang nagpapatunay na siya ang may pangunahing responsibilidad sa pagbubuo ng borador ng pambansang badyet hanggang sa pagbusisi dito. Pinakikita rin umano nito na si Marcos ang puno’t dulo ng mga anomalya at katiwalian sa nagdaang mga pambansang badyet, laluna sa mga proyektong flood control.

“Bahagi siya ng bawat hakbang ng proseso sa pagbubuo ng badyet, at ang kanyang kamakailang pahayag tungkol sa bicam ay nagdidiin sa absoluto niyang kapangyarihan kung paano isasapinal ang badyet,” pahayag ng Bayan.

Anito, ang kapangyarihan ni Marcos sa badyet ay nangangahulugan na batid niya ang kaduda-duda at maaanomalyang proyektong isiningit ng kanyang mga alyado kapwa sa dalawang kapulungan. “Siya rin ang nagtitiyak na ang mga proyektong pork barrel na isinisingit sa unprogrammed appropriations ay maidaragdag sa pambansang badyet,” ayon sa Bayan.

Alinsunod sa mga batas at konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, dapat walang kamay o kakayahang makialam si Marcos bilang punong ehekutibo sa bicameral conference. “Dahil desperadong pahupain ang galit ng publiko laban sa malawakang korapsyon, nais niyang palabasin na ang proseso para sa badyet ay magiging transparent,” ayon sa Bayan.

Sa halip na makumbinsi ang mamamayan, ipinahayag ng grupo na lalo lamang inilantad ni Marcos ang sarili bilang tunay na opereytor at ulo ng engrandeng korapsyon sa gubyerno. “Kaya dapat papanagutin si Marcos Jr sa malakawang korapsyon at sa pagpapahintulot na maging isang malaking ATM ang badyet para sa mga katulad niyang burukratang kapitalista,” pahayag ng grupo.

Cover-up ng ICI

Kadugtong ng tangka ng rehimeng Marcos na pagtakpan ang pagkakasangkot nito sa malakawang korapsyon, puspusan ang pagsisikap ng binuo nitong Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tabunan ang mga bakas ni Marcos. Kamakailan lamang, ibinaling ng bagong tapapayo ng ICI ang paninita nito sa mga nagpuprotesta sa halip na tugisin at panagutin ang mga sangkot sa pagnanakaw sa bilyun-bilyong pondo ng bayan.

Ayon sa Bayan, ipinapakita ng unang talumpati ng espesyal na tagapagyo ng ICI na si Rodolfo Azurin ang magiging diin at direksyon ng komisyon. “Ni hindi pa nga idineklara ng ICI na sisilipin nito ang gampanin ni Marcos Jr at ng Malacañang sa paglalabas ng pondong pork barrel at pag-apruba sa mga proyektong batbat ng korapsyon,” anang grupo.

Anito, pinatutunayan lamang ni Azurin ang kawalang kredibilidad ng komisyon. Patuloy ring tumatanggi ang ICI na isapubliko ang mga pagdinig para mabusisi at mabantayan ng mamamayan.

“Tila ang tunay na misyon ng ICI ay buhusan ng malamig na tubig ang lumalaking diskuntento laban sa korapsyon at kawalang pakundangan at pigilan ang bayan na igiit ang pananagutan laban kay Marcos Jr,” ayon sa Bayan.

Si Marcos ang pangunahing responsable at pananagutan sa anomalya sa mga proyektong flood control at pangkabuuang korapsyon sa mga proyektong imprastruktura, “tulad ng kanyang sinundan na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” ayon sa Bayan.

Para tuluy-tuloy na batikusin ang rehimeng Marcos at lahat ng mga sangkot sa korapsyon, pangungunahan ng Bayan at mga oragnisasyon sa ilalim nito ang mga protesta sa darating na mga linggo.

AB: Kontrol ni Marcos sa mga pagdinig para sa pambansang badyet, nabuking