Balita

Kooperasyon ng Israel at Ilocos Norte sa sektor ng agrikultura, binatikos ng grupo ng magsasaka

, ,

Binatikos ng grupo ng magsasaka sa Ilocos Region ang kamakailang anunsyo ng Zionistang estado ng Israel na makikipagtulungan ito sa lokal na gubyerno ng Ilocos Norte para magbahagi ng mga praktika sa modernong agrikultura. Ang tulungan sa agrikultura at iba pang larangan ay inianunsyo matapos ang dalawang araw na pagbisita ni Israeli Ambassador Dana Kursh sa prubinsya noong Nobyemre 25-26.

Ayon sa Solidarity of Peasants Against Exploitation o STOP Exploitation, panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tiyak silang hindi makatutulong ang Zionistang Israel sa masang magsasaka ng prubinsya. “Walang ibang adyenda ang kooperasyon na ito kundi pagpapanatili lang ng imperyalistang adyenda sa agrikultura sa pamamagitan ng masugid na pang-atakeng aso ng US na Israel,” pahayag ng grupo.

Anang grupo, hindi pa nasapatan ang rehimeng Marcos sa pagpapahintulot nito sa imperyalistang US na gawing base militar ang Ilocos Norte. Dinala pa nito ngayon ang kriminal sa digma na Zionistang Israel sa prubinsya. “Ngayon, buu-buo nang iniaalay ni Marcos ang kanyang prubinsya at buong bansa sa panghihimasok maging sa mga aso ng US,” anang grupo.

Kaugnay ng kooperasyon, balak ng Zionistang Israel na magtayo ng isang sakahan sa Mariano Marcos State University sa Batac City. Hinikayat pa nito ang mga estudyanteng Pilipino na pumaloob sa Philippine-Israel Internship Program for the Youth, programang pagsasanay ng Zionistang estado para sa sektor ng agrikultura.

Liban sa mga ito, sinabi ni Kursh na palalakasin nito ang ugnayan sa kultura, negosyo at palalalimin ang koneksyon ng mga Israeli at mamamayan ng Ilocos Norte.

Malaon nang kinudena ng KMP ang pinalalakas pang ugnayan ng Israel at gubyerno ng Pilipinas, laluna sa harap ng gerang henosidyong inilulunsad ng estado nito laban sa mamamayang Palestino. Pinakamatindi sa mga ugnayang ito ang tahasang pagbili ng Pilipinas ng armas pandigma sa Israel at mga kumpanya nito.

Sa nagdaang mga taon, ang Pilipinas ay naging kabilang sa nangungunang mga kostumer ng Israel sa pagbili ng armas. Ikatlo ang Pilipinas sa pinakamalalaking konsyumer nito, kasunod ang India at US. Tinatayang 8.1% ng mga eksport ng armas ng Israel ay para sa Pilipinas.

Walang awat na gerang henosidyo sa mga Palestino

Habang nagtutulak ng kooperasyon sa Pilipinas, patuloy pa rin ang marahas na okupasyon ng Zionistang estado ng Israel sa lupain ng mga Palestino. Sa kabila ng napagkasunduang pagtigil ng pag-atake ng pwersang Israeli sa Gaza, patuloy ang pambobomba at pamamaslang ng pwersang militar ng Zionistang Israel sa mga Palestino.

Ayon sa mga ulat, higit 500 beses nang nilabag ng Zionistang Israel ang tigil-putukang napagkasunduan sa Gaza simula Oktubre 10 o halos 50 araw. Hindi bababa sa 342 sibilyan, kabilang ang mga bata sa napatay sa mga pag-atakeng ito.

Simula Oktubre 7, 2023, higit 69,000 Palestino na ang naitalang napatay sa mga pambobomba at pag-atake.

“Mula sa Pilipinas hanggang sa Palestine, sa mga sakahan hanggang sa mga larangan ng labanan, nagkakaisa tayo sa iisang pakikibaka: makalaya mula sa tanikala ng kawalan ng lupa, pasistang panunupil, at imperyalistang pandarambong,” pahayag ng KMP noong Oktubre. Patuloy ang suporta ng grupo sa masang Palestino para sa isang kinabukasang nakaugat sa lupa, hustisya at kalayaan.

AB: Kooperasyon ng Israel at Ilocos Norte sa sektor ng agrikultura, binatikos ng grupo ng magsasaka