Balita

Kooperasyon sa pagitan ng UP at AFP, ipinababasura ng mga estudyante at guro

,

Nagprotesta sa Quezon Hall sa University of the Philippines (UP)-Diliman, upisina ng administrasyon ng unibersidad, ang mga grupo ng kabataan, guro at manggagawa ng UP ngayong araw, Agosto 30, para ipanawagan ang kagyat na pagbabasura sa pinirmahang “deklarasyon ng kooperasyon” ng unibersidad at Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa pangunguna ng Defend UP Network, binatikos nila si UP President Angelo Jimenez sa pagpirma niya dito noong Agosto 8. Itinaon nila ang pagkilos sa pulong ng UP Board of Regents.

Kasalukuyan nangangalap ng pirma ang network para sa petisyon laban sa kasunduan. Anito, napakadelikado ng kasunduan dahil isinasapanganib nito ang akademikong kalayaan ng unibersidad sa pagpapahintulot na makipagtulungan sa pasistang institusyon ng AFP.

“Mula sa paghaharing militar ni Marcos Sr hanggang sa kasalukuyan, ang AFP bilang institusyon ay mayroong kakila-kilabot na rekord sa usapin ng pagtataguyod sa karapatang-tao,” saad ng petisyon. Ginamit ng AFP ang pwersa nito laban sa maraming myembro ng komunidad ng UP na tumindig laban sa hindi pagkakapantay-pantay at nagsulong ng pagbabagong panlipunan.

Pagdidiin pa ng mga grupo, mismong mga tagapagsalita ng AFP ang nanguna sa anti-komunistang panunugis, pag-alimura, at paninirang-puri sa mga estudyante, mananaliksik, guro, at iba pang sektor sa loob ng UP. Sila pa mismo ang walang-batayang tumatawag sa mga ito bilang “terorista.”

Ayon sa Defend UP Network, ang AFP ay hindi karapat-dapat sa pakikipagtulungan ng Unibersidad. Anito, “lubhang nangangamba ang mga taga-UP na sasamantalahin ng AFP ang intelekwal na kapital ng unibersidad para isulong ang adyenda nito ng pampulitikang panunupil at pagtataguyod sa konsepto nito ng ‘pambansang seguridad.'” Babala ng network, posibleng humantong ang kasunduan sa mas lantad na interbensyong militar sa mga usapin sa unibersidad.

Kaugnay nito, naghain ang Makabayan bloc (Kabataan Partylist, kasama ang Gabriela Women’s Party at ACT Teachers Party), kasama ang mga lider-estudyante ng UP ng isang resolusyon sa House of Representatives noong Agosto 28 para ibasura ang “deklarasyon ng kooperasyon.” Lumahok din sila sa rali noong Agosto 29 sa harap ng Kongreso kasabay ng pagdinig para sa badyet ng Department of National Defense.

AB: Kooperasyon sa pagitan ng UP at AFP, ipinababasura ng mga estudyante at guro