Balita

Korapsyon at kapalpakan ng National ID

Tinapos na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kontrata nito sa All Card Inc (ACI) na kumpanyang kinuha para sa pag-iimprenta ng mga National ID sa ilalim ng programang Philippine Identification System o PhilSys. Sa pahayag kahapon, Agosto 29, ng isang upisyal ng BSP, ito ay dahil sa kapalpakan ng kumpanya na tugunan ang bilang ng mga ID na dapat nitong iimprenta sa nakaraang apat na taon.

Ayon sa ulat ng BSP, nasa 51.6 milyong ID pa lamang ang naimprenta at naipamahagi noong katapusan ng Mayo. Kulang ito ng 86.7 milyong ID, alinsunod sa bilang ng mga Pilipinong nagparehistro sa Philsys, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ang PSA ang inatasang maglikom ng datos ng mga Pilipino habang ang BSP ang pumasok sa kontrata para sa pag-imprenta ng mga ID.

Noon pang Mayo naghugas-kamay ang PSA sa kapalpakan na ito matapos tumanggap ng kabi-kabilang reklamo sa tagal at bagal ng pamamahagi ng mga ID. Inabot ng taon o mahigit pa bago matanggap ng mga may-ari ang kani-kanilang ID. Para solusyunan ito, bumaling ang PSA sa paglalabas ng mga digital copy ng mga ID na sinalubong ng malawakang pagbatikos ng mga Pilipino.

Liban sa tagal at bagal, umani rin ng batikos ang National ID sa mali-mali nitong mga impormasyon. Wala itong silbi dahil hindi ito tinatanggap bilang balido sa maraming establisimyento tulad ng mga bangko. (Hinihingan pa rin ng ibang “valid ID” ang mga nagbabangko para magbukas ng akawnt o para sa ibang transaksyon.)

Iginawad ng BSP sa ACI ang kontratang nagkakahalaga ng ₱3.48 bilyon para sa pag-imprenta ng mga National ID. Hindi sapat ang kapasidad ng kumpanya para mag-imprenta ng bilang ng kinakailangang mga ID. Sa kabila nito, ibinigay pa rin ang kontrata sa kumpanya. Alinsunod sa napagkasunduan, dapat nag-imprenta ang ACI ng 5 milyong ID noong 2020, 45 milyon noong 2021, 42 milyon noong 2022 at 24 milyon noong 2023. Lahat ng mga kota na ito ay hindi naabot ng kumpanya. Nasa kontrata din nito na dapat tumagal ang mga ID sa loob ng limang taon, na hindi rin natugunan matapos makitang madaling masirang ang mga gawa nitong ID.

Liban sa kontratang sa BSP, nakakuha rin ang kumpanyang ito ng kontrata sa Land Transportation Office para sa pag-imprenta ng mga lisensya sa ilalim ni Assistant Teofilo Guadiz. Palpak at batbat din ng anomalya ang naturang kontrata.

Instrumento sa paniniil

Bago pa man ipatupad ang PhilSys, umani na ito ng batikos bilang isang mapaniil na programa at palabigasan ng mga nakaupo sa poder. Matapos ang ilang dekadang nakatengga sa Kongreso at Senado, iniratsada ito para maging batas sa ilalim ng rehimeng Duterte. Isa sa mga isponsor nito ang kilalang berdugo at dating upisyal ng noo’y Philippine Constabulary na si Sen. Panfilo Lacson.

Tulad ng ibang mga programa at patakarang naglilikom ng personal na datos ng mamamayan, malaki ang posibilidad na gagamitin ang mga ito laban sa mga kritiko ng estado. Marami ang kumbinsido na gagamitin ito para tuluyang wasakin ang kakarampot na proteksyon ng batas para sa batayang mga kalayaan at karapatan sa pribasiya, malayang pamamahayag at pagpapahayag. Hayagan itong itinuring bilang “dagdag na bala” ng estado para patahimikin, gipitin at ikriminalisa ang pagtutol sa kanyang mga patakaran at sa kanyang rehimen mismo. Tiyak na gagamitin ang impormasyong malilikom dito para sa malawakang sarbeylans, at pulitikal at kriminal na profiling.

Lalong lumalaki ang pangamba ng mamamayan sa harap ng sunud-sunod na “data breach” o pagnanakaw ng mga pribadong impormasyon mula sa mga kompyuter ng gubyerno, na nagpapatunay sa kawalang kakayahan ng reaksyunaryong estado na tiyaking pangalagaan ang maseselang datos ng mamamayan.

AB: Korapsyon at kapalpakan ng National ID