Balita

Korapsyon sa mga proyektong flood control sa Davao City, binatikos

,

Nagprotesta noong Setyembre 8 sa harap ng upisina ng rehiyunal na Department of Public Works and Highways sa Guerrero Street sa Davao City ang mga progresibong kabataan para kundenahin ang korapsyon sa kagawaran kaugnay sa nababalitang mga “ghost” at di tapos na mga proyektong pang-flood control sa syudad. Dala nila ang listahan ng pinakamalalaking kontraktor na sangkot sa mgaito Isa rito ang kumpanyang CLTG Builders, na pagmamay-ari ng pamilya ni Sen. Bong Go.

Sa ilalim ng rehimen ng kanyang ama, nakakopo ng P51 bilyon pondong pang-imprastruktura ang distrito ni Paolo Duterte mula 2020 hanggang 2022. Kalakhan dito ay para sa mga proyektong flood control. Sa kabila nito, dumanas ng paulit-ulit at malalalang pagbaha ang syudad, kabilang ang distritong hawak ni Duterte. Libu-libong residente ang nagdusa dulot ng mga baha, marami ang napilitang magbakwit at nasira ang kanilang mga bahay at kabuhayan. Noong Agosto lamang, 265 na erya ng syudad ang lumubog sa baha dulot ng ITCZ o inter-tropical convergence zone.

Kamakailan, muling kinwestyon sa Kongreso ang P51 bilyong alokasyon na natanggap ni Duterte. Inaakusahan ang mga Duterte ng pag-uulat ng mga “ghost project,” sobrang pagpepresyo sa mga proyekto, at maanomalyang ugnayan sa mga kontraktor tulad ng Alfrego Builders. Sa Senado, lumutang naman ang pagkakasangkot ng pamilya ni Bong Go na sinabing kumopo ng P817 milyong pondo para sa mga proyektong imprastruktura sa syudad. Napag-alaman ding may “joint venture” ang kanyang kumpanyang sa mga kumpanya ng pamilyang Discaya, na itinuturong numero unong korap na kontraktor sa panahon ng rehimeng Duterte.

AB: Korapsyon sa mga proyektong flood control sa Davao City, binatikos