Kriminal sa digmang Netanyahu ng Israel, sinalubong ng protesta sa US

,

Sinalubong ng libu-libong Amerikanong nagpoprotesta si Benjamin Netanyahu, pinuno ng Zionistang estado ng Israel, kriminal sa digma at malapit na kaibigan ng imperyalistang US, nang bumisita siya para magsalita sa Kongreso ng Washington DC sa US kahapon, Hulyo 24. Sa kanyang talumpati, ipinagtanggol ni Netanyahu ang gerang henosidyo, na dumurog sa Gaza at pumatay na ng 39,000 Palestino. Inatake niya ang mga nagprotesta sa labas ng Kongreso at tinawag ang mga ito na “tanga” na pumapanig sa Iran. Sa puntong ito nagsitayuan ang mga kongresistang Amerikano para masigabo siyang palakpakan.

Sa labas ng Kongreso, iwinagayway ng mga nagpoprotesta ang mga bandila ng Palestine at sabayang sumigaw ng “Free Palestine!” Binatikos nila ang kanilang mga lider na kasabwat ni Netanyahu at iginiit na hindi sila papayag na gagamitin sila at ang kanilang mga buwis para sa kampanyang henosidyo. Anila, sobrang kahihiyan na inimbita pa ng mga kongresista, pareho ng mga Republican at Democrat, si Netanyahu. Sinunog nila ang dala-dala nilang mga effigy ni Netanyahu at ni Biden.

Tinawag nilang “kriminal sa digma” at “Hitler No. 2” si Netanyahu at ipinanawagan na dakpin na siya ng International Criminal Court, kung saan may nakasampang kaso laban sa kanya.

Kasama sa binatikos nila si Kamala Harris, ang binasbasan ng presidente ng US na si Joseph Biden para kumandidato pagkapresidente sa darating na eleksyon sa Nobyembre. Inawtorisa ng gubyerno ni Biden ang pagbibigay ng $14 bilyong ayuda sa Israel bilang “tulong” nito sa kampanyang henosidyo ni Netanyahu. Liban dito, ipinagtatanggol din ni Biden ang Israel at si Netanyahu sa lahat ng mga kriminal na pananagutan nito sa mga internasyunal na korte, at kahit sa United Nations.

Bago magtapos ang kanilang programa, marahas na binuwag ng mga pulis ang pagkilos. Di bababa sa 23 ang inaresto. Anim sa kanila ay nakapasok sa bulwagan ng kongreso bago sila nasabat ng mga pulis.

Pinangunahan ang pagkilos ng ANSWER Coalition, Palestinian Youth Movement, at International Jewish Anti-Zionist Network.

Isang araw bago magsalita si Netanyahu sa Kongreso, daan-daang aktibistang Jew (Hudyo) ang nagsagawa ng sit-in protest sa loob mismo ng gusali nito. Suot ang kamisetang pula na may naka-imprentang “Not in Our Name,” umupo sila sa gitna ng rotunda ng Cannon Building, kung saan nag-uupisina ang mga kongresista. Inaresto ng mga pulis ang 400 na lumahok sa protesta. Pinangunahan ang pagkilos ng Jewish Voice for Peace.

AB: Kriminal sa digmang Netanyahu ng Israel, sinalubong ng protesta sa US