Kumpensasyon para sa mga napalikas sa Marawi City, binabarat ng rehimeng Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng kilos protesta noong Mayo 13 sa Rizal Park sa Marawi City ang mga residente na hanggang ngayon ay di pa nakababalik sa kanilang mga komunidad matapos bombahin ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang mga tirahan noong 2017.

Binatikos nila ang pambabarat ng Marawi Compensation Board (MCB) sa nararapat nilang matanggap na kumpensasyon o bayad danyos para muling itayo ang nawasak nilang mga bahay at ari-arian. Sa halip na ibigay sa kanila ang sapat na pondo para muling itayo ang kanilang mga bahay, naglabas ng bagong “pamamaraan” ng pagkwenta ng pinsala ang MCB kung saan ibinawas sa kumpensasyon ang “depreciation cost” ng kanilang mga ari-arian. Ito ay para sadyang pababain ang “market value” ng mga ito.

Taliwas ito sa unang itinakdang proseso ng Implementing Rules at Regulations (IRR) ng Marawi Siege Victims Compensation Act, ayon sa mga nagprotesta. Itinakda sa batas na ito ang kumpensasyon batay sa “fair market value” na resulta ng mga konsultasyon sa mga claimant, o sa “replacement cost” o “repair cost” ng mga lubos na nawasak o may bahaging nasira sa mga bahay o gusaling pang-kultura at komersyal. Sa IRR na ito, itinakda ang kumpensasyon na mula ₱6,000 hanggang ₱13,500 per square meter, depende sa klase ng bahay o istruktura. Walang awtoridad ang MCB na baguhin ang mga istandard ng pagkwenta na nakasaad na sa batas, ayon sa mga residente.

Ang “depreciation cost” ay halaga nang ari-arian na dulot ng tagal, mga sira o mga depekto nito. Sa kalkulasyon ng MCB, mas luma ang bahay, mas malaki ang depreciation cost, at sa gayon mas maliit ang kailangan nitong ibigay na kumpensasyon. Dahil dito, ni wala pang kalahati sa aktwal na kailangan ng mga biktima ang kanilang matatanggap.

Ginamit ng MCB bilang batayan ng pagtatakda ng “depreciation cost” ang isang ordinansa (Ordinance No. 02, Series of 2021) ng Sanguniang Panlalawigan ng Lanao Del Sur. Ang ordinansang ito ay ipinasa para itakda ang ipapataw na buwis sa mga istruktura, at hindi para sa kumpensasyon, ayon sa mga nagprotesta.

Gamit ang “depreciation table” ng ordinansa, awtomatikong babawasan nang mahigit 60% ang itinakdang kumpensasyon ng isang claimant kung kongkreto ang kanyang bahay at 10 taon na itong nakatayo bago bombahin ng AFP. Mas malala pa ang kalagayan ng ibang claimant na binawasan nang hanggang 85% ang kumpensasyon. Isang halimbawa nito ang pamilyang may bahay na nagkakahalagang ₱500,000 pero makatatanggap lamang ng ₱80,000 dahil gawa sa magaang materyal ang kanyang bahay at 10 taon nang nakatirik ito bago ang mawasak ng bomba.

Hindi makatarungan ang pagpapatupad ng Marawi Siege Victims Compensation Act ang pamamaraan ng MCB, ayon sa mga residente. Siningil nila ang magkakasunod na rehimen sa anila’y pitong taon nang paghahangad ng hustisya.

Sa rekord ng MCB, 100,000 residente ng Marawi ang kailangang bayaran ng danyos. Kulang na kulang ang inilaang ₱1 bilyon ng rehimeng Marcos para rito noong 2023. Katunayan, sa unang apat na araw pa lamang mula nang simulan ng MCB ang proseso ng pagbibigay ng kumpensasyon, naubos na ang ₱800 milyon sa pondo, para lamang sa 2,013 nagsumite ng claim.

AB: Kumpensasyon para sa mga napalikas sa Marawi City, binabarat ng rehimeng Marcos