Lalamove drivers, nagstrike

Tinatayang 7,000 drayber at rider (mga nagdedeliber na nakamotorsiklo o bisikleta) ng Lalamove ang lalahok sa “strike booking” o hindi pagtanggap ng trabahong deliberi ngayong araw, kasabay ng ikalawang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Layon nilang iprotesta ang hindi makataong pamamalakad ng kumpanya at igiit ang kanilang panawagan para sa makatarungang kundisyon sa paggawa.

Ayon sa Lalamove Driver’s Association (LDA), mayorya ng lalahok sa pagkilos ay magmumula sa Metro Manila. Lalahok din ang ilang mga drayber na galing sa Batangas, Quezon, Laguna, Cebu, at Davao.

Binanggit ni Mon Paleracio, presidente ng LDA, halos ₱500 lamang ang naiuuwi nilang mga drayber kahit pa umabot sila ng halos kalahating araw ng pagtatrabaho. Kulang na kulang ito para sa pagpapanatili ng maayos na kundisyon, pagpapaayos, at insurance ng kanilang ginagamit na mga sasakyan. Wala rin silang “base rate” o minimum na bayad di tulad ng ibang mga katulad na serbisyo.

Ilan pa sa inirereklamo nila ang kawalan ng insentibo at proteksyon sa mga pekeng users at scammers. Posible silang masuspinde kung nakatatanggap ng paulit-ulit na pagkakansela ng booking. Dagdag rito ang iba pang mga bayarin katulad ng pagpapa-upa ng mga thermal bag na nilalagay sa kanilang mga motor para paglagyan ng mga produkto. Pinagbabayad sila ng ₱200 kada buwan imbes na sagutin ito ng kumpanya.

Nanghingi naman ng pasensya si Paleracio sa mga kostumer at nanawagan sa iba pang mga drayber at rider ng Lalamove na suportahan ang kanilang pagkilos.

“Ang kahalagahan po ng strike na ikakasa namin ay para humingi ng pakikipagdayalogo sa Lalamove para matugunan ang mga problema. Humihingi kami ng pasensya sa ating mahal na mga kostumer na maaapektuhan ang kanilang mga negosyo. Nanawagan kami sa lahat ng kasamahan na myembro ng Lalamove na magkaisa tayo,” ani Pelaracio.

AB: Lalamove drivers, nagstrike