Sa Araw ni Bonifacio Libu-libong Pilipino, muling humugos sa lansangan para magprotesta kontra korapsyon
Sa iba’t ibang panig ng bansa, muling humugos sa lansangan noong Nobyembre 30, Araw ni Andres Bonifacio, ang libu-libong mga Pilipino para magprotesta laban sa nalalantad na malawakang korapsyon sa gubyerno. Umalingawngaw ang mga panawagan ng bayan mula sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian hanggang sa pagpapabitiw sa poder sa presidente na si Ferdinand Marcos Jr, bise presidente na si Sara Duterte, at iba pang tiwaling upsiyal.
Sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), mahigit 20,000 ang nagtipon sa Luneta Park as Maynila para sa protestang Baha sa Luneta 2.0: Protestang Bayan Kontra Kurakot. Dumalo sa pagkilos ang iba’t ibang mga grupo, pwersa at sektor kabilang na ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lunsod, estudyante, kababaihan, at taong-simbahan.
Hindi napigil ng pananabotahe ng rehimeng Marcos ang sigaw ng mamamayan para sa pananagutan at hustisya. Sa kabila ng pagpigil ng pulis sa paglulunsad ng programa sa Luneta, kahit pa mayroong malinaw na koordinasyon sa lokal na gubyerno at mga ahensya ang KBKK, naisagawa ang protesta. Naantala lamang ito ng ilang oras ngunit natuloy ang mga talumpati, pangkulturang pagtatanghal at iba pang porma ng pagpapahayag ng mamamayan.
Nagkaisa ang mga grupo sa ilalim ng KBKK sa minimum na panawagan na: “Lahat ng sangkot, dapat managot!” Katulad nang naunang idineklara ng grupo, bukas nilang tinanggap ang iba’t ibang mga panawagan ng mga grupo na nakabalangkas sa minimum na kaisahan.
Kaugnay nito, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mga progresibong grupo sa panawagang “Marcos at Duterte, resign!” Ayon sa Bayan, dapat imbestigahan at panagutin si Marcos dahil sa kanyang susing papel sa mga insertion sa badyet at paglalabas ng pondo para sa mga proyektong naglustay sa daan-daang bilyong pisong pondong pampubliko. Samantala, napatunayan na ang pagkakasala ni Duterte sa korapsyon, na humantong sa kanyang impeachment noong maagang bahagi ng taon.
Isinusulong ng grupo ang isang National Transition Council bilang panghalili at pansamantalang mangangasiwa sa gubyerno sakaling mapaalis sa poder ang tinagurian nilang hari at reyna ng korapsyon.
Matapos ang pagkilos sa Luneta Park, nagmartsa ang mga pwersa ng Bayan patungong Mendiola para tahasang singilin si Marcos. Liban sa Bayan, mayroong ibang pampulitikang pwersa na lumahok sa martsa.
Tulad sa nakaraan, hinarangan ng libu-libong pulis, ng barikada ng barbed wire, container van at mobil ng pulis ang pagkilos patungong Mendiola. Natulak ang Bayan na isagawa ang programa sa tapat ng University of the East sa Recto Avenue.
Ayon sa Bayan, inilantad ng pagmamalabis sa seguridad sa paligid ng Malacañang ang mapanlinlang na mukha ng gobyerno na nagsasabing ipinagtatanggol nito ang karapatan ng mamamayan na magprotesta. “Sumisimbolo sa pagkapraning na ito at sa brutalidad ni Marcos Jr ang absurdong pagtayo ng kalihim ng DILG, alter ego ng pangulo, sa ibabaw ng isang container van kasama ang hukbo ng kapulisan at ang patong-patong na mga barbed wire,” anang grupo.
Sa pagtatapos ng programa sa Recto Avenue, winasak ng mga raliyista ang effigy ni Marcos na may suot na korona at sash na habi sa bandila ng US. “Ipagpatuloy natin ang hindi natapos na pakikibaka ni Bonifacio at ng Katipunan sa pamamagitan ng paglaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bansa,” pahayag ng Bayan.
Mga protestang bayan sa ibang lugar sa bansa
Sa iba pang sentrong syudad at prubinsya, inilunsad ng mga grupong alyado ng KBKK ang mga pagkilos at aktibidad para kundenahin ang korapsyon ng rehimeng Marcos. Sa ilang mga lugar, kasanib ng mga grupong ito ang hanay ng mga Katolikong Pilipino na nagprotesta kasunod ng panawagan ng Simbahang Katolika na tumindig sa korapsyon.
Sa Northern Luzon, nagkaroon ng mga pagkilos at aktibidad sa Baguio City, San Fernando City sa La Union, sa Ilocos Sur, Ilocos Norte at sa Santiago City sa Isabela. Pinakatampok ang pagkilos ng daan-daan sa Baguio City na tinawag na Baha sa Burnham na pinangunahan ng Baguio-Benguet Laban sa Korapsyon Network.
Sa Central Luzon, naglunsad ng protesta ang mga progresibong grupo sa Tarlac City. Ang mga grupo mula sa ibang prubinsya tulad ng Pampanga at Bulacan ay lumahok sa protesta sa Luneta Park.
Sa Southern Tagalog, ikinasa ang mga demonstrasyon at protesta sa Calamba City sa Laguna, Bacoor City sa Cavite at Calapan City sa Oriental Mindoro. Hindi bababa sa 3,000 indibidwal ang nagmartsa sa Calamba City sa pangunguna ng Bayan-Timog Katagalugan.
Sa Bicol, nagkaroon ng mga protesta sa Legazpi City sa Albay at sa Naga City sa Camarines Sur.
Sa Panay, pinanangunahan ng Kahublagan Kontra Kurapsyon (KKK) ang mga protesta at pagkilos. Sa Iloilo City, libu-libo ang kumilos na mga Ilonggo kasama ang mga lider ng Simbahang Katolika. Naglunsad din ng programa ang mga sektor at grupo sa San Jose sa Antique, sa Roxas City sa Capiz at sa Kalibo City sa Aklan.
Sa Negros Island, nagtipon ang daan-daang mga Negrosanon sa Bacolod City sa pangunguna ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA)-Negros, Roman Catholic Diocese of Bacolod, at One Negros Ecumenical Council (ONE-C).
Sa Central Visayas, pinangunahan ng Kalihukang Sugboanon Kontra Korapsyon (Kasukko) ang pagkilos ng mamamayan laban sa korapsyon sa Cebu City. Mula umaga ay mayroong programa ang iba’t ibang mga grupo kabilang ang martsa patungong Metro Colon.
Sa Eastern Visayas, naglunad ng programa sa Tacloban City ang mga progresibong grupo sa ilalim ng Bayan.
Sa Mindanao, nagkaroon ng mga pagkilos sa Davao City, Cagayan de Oro City at sa General Santos City. Sa balwarte ng mga Duterte sa Davao City, hindi nagkimi ang Bayan-Southern Mindanao na manawagan ng pagpapaalis sa poder kay Sara Duterte at Marcos dahil sa pagkakasangkot sa korapsyon.
Tumindig kontra korapsyon ang mga Katolikong Pilipino
Samantala, sa ilang mga syudad at prubinsya ay mayroong hiwalay na mga protesta ang mga Katolikong Pilipino kasunod ng panawagan ng Simbahang Katolika at mga lider nito. Tinawag ang mga pagkilos na ito na Trillion Peso March Movement (TPMM). Naging sentro ng protesta ng Simbahan ang pagtitipon sa EDSA. Naiulat rin ang pagkilos ng mga Katolikong Pilipino sa hindi bababa sa 86 diyosesis sa buong bansa.
Bago ang araw ng pagkilos, tinangka ng KBKK at mga grupo sa ilalim nito na makipagkaisa sa mga nag-organisa sa protesta sa EDSA ngunit nagkaroon ng mga balakid. Hindi kumbinsido ang buong hanay ng TPMM na pahintulutan ang KBKK sa rali dahil sa mga alyado nitong tahasang nagpapanagot kina Marcos at Duterte.
Sa araw mismo ng pagkilos, sinabi ni Cardinal Pablo Virgilio David, dating tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na hindi sila bilib sa panawagang pagbibitiw kina Marcos at Duterte kaya sila sa EDSA nagprotesta at hindi sa Luneta. Maraming mga grupong lumahok sa protesta sa Luneta Park ang nadismaya sa anila ay tila mapanghating pahayag ng kardinal.
Kaugnay ng pahayag ni Cardinal David, naglabas ng paglilinaw at pagwawasto sa pahayag ng kardinal ang KBKK bilang organisador ng protesta sa Luneta. Itinama ng KBKK ang ilang puntong binanggit ng kardinal sa talumpati kabilang na ang minimum na kaisahan sa rali sa Luneta.
“Bagamat sinikap namin sa KBKK at ilan sa Trillion Peso March Movement (TPMM) na magkaroon ng joint rally noong Nov. 30, may ilang hindi pa handa o hindi sang-ayon dito dahil ayaw nilang pangalanan sa mga banner at plakard ang mga korap na dinastiya. Gayunpaman, nananatiling iisa ang ating hangarin na panagutin ang mga kurakot at wakasan ang korap na sistema ng pamamahala,” anang grupo.
Nagpahayag muli ng kahandaan at pananatiling bukas ang KBKK para makipag-usap kay Cardinal David, sa TPMM, at sa iba pa, sa layuning mapagkaisa ang lahat tungo sa ating mga dakilang adhikain para sa bayan.
Sa kabila ng pagkakaiba sa dalawang grupo sa Metro Manila, nagawang magkaisa ng ilang mga grupo sa ilalim ng dalawang koalisyon sa Iloilo City at Bacolod City. Magkasamang nagmartsa ang Simbahan at ang mga progresibong grupo sa mga lansangan ng dalawang syudad.