Balita

Ika-7 kandidato ng Makabayan Lider-magsasaka, itatampok ang isyu sa agrikultura sa kandidatura pagkasenador

, ,

Inianunsyo ng beteranong lider-magsasakang si Danilo Ramos (Ka Daning), ang kanyang pagtakbo pagkasenador sa darating na eleksyong 2025 kahapon, Agosto 22, sa Malolos, Bulacan. Siya ang ikapitong kandidato ng Koalisyong Makabayan. Si Ramos, kasalukuyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ay hahamon sa paghahari ng mga dinastiya, mga panginoong maylupa at burgesyang kumprador sa senado.

“Tinatanggap ko ang hamon at tungkulin ng Makabayan, para isulong ang interes ng magsasaka at taumbayan sa Senado. Dala ang karanasan bilang magbubukid, higit kong itataguyod ang tunay na reporma sa lupa at pag-unlad ng kanayunan, gayundin ang tunay na pag-unlad ng kapwa mahirap at mga Pilipino sa loob at labas ng bansa,” pahayag ni Ramos.

Ang 67-anyos na si Ramos ay mula sa pamilya ng mga tenante sa bukid sa bayan ng Malolos. Noong kabataan niya, natulak siyang tumigil sa pag-aaral sa hayskul para tumuwang sa kanyang mga magulang sa kanilang kabuhayan. Nagtanim siya ng palay, monggo at iba pang mga gulay. Nagtatrabaho siya simula alas-5 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.

Noong 1983, nahalal si Ramos bilang pangkalahatang kalihim ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) sa panahon ng kasagsagan ng diktadurang Marcos. Sa tuluy-tuloy na pamumuno sa kampanya at pakikibaka ng masang magsasaka, naging tagapagsalita siya ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon noong 1988 at nagsilbing pangkalahatang kalihim nito mula 1989 hanggang 1993. Noong 1993, nahalal siyang panghalahatang kalihim ng KMP.

Kabilang si Ramos sa mga nakaligtas na magsasaka sa brutal at madugong Mendiola Massacre noong 1987 kung saan namaril ang Philippine National Police, sa ilalim ng rehimeng Aquino I, sa libu-libong magsasakang nagprotesta para sa libreng pamamahagi ng lupa.

Kasabay ng pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, ipinahayag ni Ramos ang pagtataguyod sa mga patakaran at programa para sa abot-kayang presyo ng bigas, kasapatan sa pagkain at pagpapalakas ng lokal na produksyon. Bilang magbubukid, kongkreto at alam niya ang pangangailangan ng sektor. Inihapag rin niya sa talumpati ang mga aktuwal na panukala kung paano makakamit ang mga ito.

Sinaksihan ng mga kapwa niya magbubukid, mga kababayan sa Malolos at mga grupong nagtataguyod sa karapatan ng magsasaka ang anunsyo ni Ramos. Nagkakaisang sigaw nila: “Magsasaka, ipunla sa Senado!” Nagpahayag rin ng pagsuporta sa kandidatura ni Ramos ang mga grupo ng magbubukid mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Siya ay subok, matatag at may paninindigan na isinusulong ang matagal nang adhikain at interes ng uring magsasaka. Nagmula sa pamilya ng magsasaka at naging mala-manggagawa kung kaya’t ramdam na ramdam niya ang tunay na kalagayan ng kanyang pinagsisilbihang sektor sa loob ng apat na dekada ng kanyang buhay,” pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Bicol.

Ang anunsyo ni Ramos ay kasunod ng mga proklamasyon ng kandidatura sa pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan nina ACT Teachers Party-list Representative France Castro, Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno, lider-mangingisda na si Ronnel Arambulo ng Pamalakaya, lider-kababaihan at dating upisyal ng National Anti-Poverty Commission na si Liza Masa, at Teddy Casiño, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan.

AB: Lider-magsasaka, itatampok ang isyu sa agrikultura sa kandidatura pagkasenador