Balita

Lider-magsasaka sa Bulacan, mag-aasunto kontra NTF-Elcac

,

Magsasampa ng kaso laban sa NTF-Elcac ang lider magsasaka na si Ronnie Manalo ngayong Pebrero, pitong buwan matapos marahas na salakayin ng mga sundalo mula sa 80th IB at pulis ang kanyang tirahan sa San Jose Del Monte, Bulacan.

“Tama lamang na magsampa ng kontra-asunto si Ka Ronnie laban sa militar,” pahayag ng grupong Karapatan. “Malaki ang nawala sa kanya at nasadlak sa takot ang kanyang komunidad dahil sa maraming kaso ng panggigipit ng mga pwersa ng estado.”

Sinampahan si Manalo ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms dahil sa nakuha diumanong armas nang i-reyd ng militar ang kanyang bahay noong Hunyo 18, 2024. Kinasuhan din siya ng paglabag sa anti-terrow law. Ibinasura ng prosekyutor ng San Jose del Monte ang kaso at hindi na ito umabot sa korte. Ayon sa prosekyutor, nabigo ang pulis na patunayan na may nakuhang baril sa bahay ni Manalo para siya iasunto.

Anang Karapatan, dapat managot ang militar sa pinsalang idinulot nito sa pamilya ni Manalo at kanyang komunidad. Kabilang sa dapat panagutan ng estado ang pagkamatay ng asawa ni Manalo na si Marcelina, na paulit-ulit na binantaan at ginipit ng mga sundalo. Namatay si Marcelina matapos atakehin sa puso habang nagsasampa ng reklamo sa Commission on Human Rights kaugnay sa reyd sa kanilang bahay.

Matapos ang reyd, isinailalim ng 80th IB sa militarisasyon ang di bababa sa anim na sityo sa Barangay San Roque, Barangay Paradise 3, at Barangay Tungkong Mangga saklaw ang 400 pamilya, ayon sa Karapatan.

Lubha nitong naapektuhan ang buhay at kabuhayan ng mga residente. Nakapagtala ang Karapatan ng di bababa 20 kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Kabilang dito ang iligal na pagbabase ng mga sundalo sa barangay hall ng Tungkong Mangga at mga pagpapatawag sa mga magsasaka para sa interogasyon.

“Importante na mabigyan ng hustisya si Ka Ronnie, ang kanyang pamilya at komunidad sa San Jose del Monte, at kasabay nito, ipanawagan ang pagbubuwag sa NTF-Elcac,” ayon sa grupo.

AB: Lider-magsasaka sa Bulacan, mag-aasunto kontra NTF-Elcac