Lider-magsasaka sa Cebu, hinaras ng 7 sundalo sa kanyang bahay
Pinuntahan ng mga sundalo sa ilalim ng 31st Civil Military Operations (CMO) ang bahay ng tagapangulo ng San Roque Farmers Association (SRFA) sa Barangay Bonbon, Aloguinsan, Cebu noong Marso 11. Hinaras at niligalig ng pitong sundalo si Pio Del Rosario para pigilan siya sa pagkundena at paglalantad sa militarisasyon at pang-aapi sa kanilang komunidad.
Ang pag-atake ng mga sundalo kay del Rosario ay kasunod ng ilang araw na niyang paglalantad sa social media ng presensya ng mga sundalo sa kanilang barangay. Binatikos rin ng lider-magsasaka ang mga operasyong kombat ng mga sundalo na nakagagambala sa kanilang payapang pamumuhay at araw-araw na kabuhayan.
Kinundena ng Kahugpungan sa Nagpakabanang Mag-uuma sa Tersiero District (KNMTD) ang panibagong serye ng paglabag sa karapatang-tao na ito ng mga sundalo. Sa nagdaang mga taon, walang-tigil ang panggugulo sa kanila ng mga sundalo dahil sa paglaban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa.
Noong Oktubre 2022, dumating sa barangay ang 31st CMO Special Company. Nagbahay-bahay ang mga sundalo para gipitin ang mga magsasaka na “magpalinis” ng kanilang mga pangalan, kapalit ang pamamahagi ng bigas, nudels, tsinelas at pera.
Pinagbantaan ang mga magbubukid at kanilang mga pamilya na kung hindi pipirma ay ipakukulong ang mga ito. Sapilitan nilang “pinasurender” ang 17 magsasaka para buwagin ang SRFA. Nagtayo pa ang mga sundalo ng kontrolado nitong organisasyon ng mga magsasaka na Sta. Cruz Famers Association na noong Hunyo 2023 ay naging Camaren Farmers Association. Tahasang kinubabawan ng militar at National Task Force-Elcac ang lokal na gubyerno ng Barangay Bonbon at maging ang mga upisyal ng bayan ng Aloguinsan.
Sakop ang lugar sa 168 ektaryang lupa na binubungkal ng SRFA na malaon nang kinakamkam ng pamilyang panginoong maylupa na Gantuanco. Kinikilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga magbubukid bilang lehitimong claimant sa lupa.
Ayon sa KNMTD, “ang patuloy na pagtatangka ng militar na patahimikin si del Rosario ay isang malinaw na paglabag sa kanyang karapatan sa pagpapahayag at pag-atake sa karapatan ng mga magsasaka na magbungkal ng lupa.”
Sa harap nito, patuloy na naninindigan ang SRFA para sa kanilang karapatan sa lupa. Iginigiit nilang palayasin ang militar mula sa kanilang barangay.