Lider-magsasaka sa Ilocos, muling ginipit ng 5th ID
Kinundena ng Ilocos Human Rights Alliance (IHRA)-Karapatan ang panibagong serye ng panggiigpit ng mga sundalo ng 5th ID kay Antonio Pugyao, lider-magsasaka ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Ilocos. Pinuntahan si Pugyao ng mga sundalong nakadamit ng sibilyan sa kanyang bahay sa Barangay Cacafean, Marcos, Ilocos Norte noong Disyembre 6.
Ayon sa IHRA, isang Sgt. Junas Difuntorum ang nanguna sa tim ng mga sundalo na nagtungo sa bahay ng lider-pesante. Ayon sa mga ulat, pinilit ng mga sundalo si Pugyao na pumirma sa isang sertipiko na nagsasaad ng kanyang pagtangging lumahok sa “CPP-NPA-NDF.” Tinanggihan ito ni Pugyao at iginiit na wala siyang kahit anong ugnayan sa naturang mga organisasyon kung kaya’t hindi siya pipirma.
Liban dito, pinilit siya ni Sgt. Difuntorum na magpalitrato kasama ang mga sundalo kahit tumanggi siya dito. Ito ang ikalawang pagkakataon na ginipit ang lider sa loob ng tatlong buwan. Bago pa man ang mga insidenteng ito, target na ng Red-tagging at panggigipit ng militar si Pugyao noong 2019. Pinuntahan din sa eskwelahan at “kinausap” ang kanyang batang anak noong 2020.
“Ang walang tigil na harasment ng mga pwersa ng militar ay nagdulot na ng matinding stress at takot sa kanyang pamilya, na nagdulot ng stroke ng kanyang asawa,” ayon sa IHRA. Panawagan ng grupo na itigil na ang mga pag-atake ng mga pwersa ng estado laban sa mga lider na katulad ni Pugyao at marami iba pang ginigipit dahil sa pagtindig nila para sa kanilang mga karapatan.
Noong Nobyembre 20 lamang, naitala ng IHRA ang panggigipit sa tagapangulo ng Timek ken Namnama Dagiti Babassit a Mangngalap (Timek)-Pamalakaya na si George Cacayuran sa Agoo, La Union. Samantala noong Oktubre, sinampahan ng kasong “terrorism financing” ng rehimeng Marcos ang manggagawang pangkaunlaran ng Ilocos Center for Research, Empowerment, and Development (ICRED) na si Lenville Salvador at si Myrna Zapanta ng Ilocos Region Ecumenical Council (IREC).
Ayon sa IHRA, tila naghahabol ng kota ang mga upisyal militar para sa promosyon, pabuya at iba pang makasariling ganansya ng mga ito sa ilalim ng programang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos. “Sa halip na nagpapatuloy na panunupil, dapat pakinggan ng administrasyong Marcos ang panawagan ng mga komunidad ng magsasaka at mangingisda para sa ayudang pang-ekonomya at kumpensasyon,” ayon sa grupo.