Lider-manggagawa ng Quezon City, inaresto sa gawa-gawang kaso

,

(UPDATE) Pansamantalang nakalaya si Benjamin Cordero noong Oktubre 27 matapos magypansa. Ayon sa kanya, “Marami silang [estado] paraan para tayo’y patahimikin pero mas marami tayong paraan para magpatuloy.”

Bago nito, mahigpit na kinundena ng Karapatan-National Capital Region ang pag-aresto kay Cordero noong Oktubre 25 nang alas-11:40 ng gabi sa kanyang tirahan sa Quezon City. Si Cordero ay pinuno ng Labor Sector ng Quezon City Development Council, myembro ng Samahan ng Manggagawa sa Quezon City at campagn officer ng Urban Poor Coordinator Council ng National Capital Region. Dati siyang mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines.

Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong bigong pagpatay sa Batasan Police Station 6. Ininteroga siya ng mga pulis nang walang presensya ng kanyang abugado. Ayon sa inihapag na warrant of arrest, kailangan siyang magpyansa ng ₱72,000 para pansamantalang makalaya.

Liban kay Cordero, may apat pang pinangalangan sa warrant of arrest. Parehong sa Southern Tagalog ang nakalagay na tirahan ng dalawa, sina Dabilo Basilio at Amor Reyes Acayen, na parehong mula sa tribong Dumagat. Namatay sa sakit si Amor noon pang Agosto. Kilala siyang lider ng mga Dumagat o elder mula sa Sityo Kanlusong, Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal

Noon ding Oktubre 25 nang gabi, nagsagawa ng candle vigil sa istasyon ng pulis kung saan siya nanawagan ang mga organisasyon ng kabataan at ibang sektor para sa kanyang kagyat na pagpapalaya.

Si Cordero ang pangatlong aktibista mula sa sektor ng paggawa na inaresto sa gawa-gawang mga kaso ngayong buwan. Bago nito, traydor na inaresto sina Kara Taggaoo at Larry Valbuena sa kasong indirect assault noong Oktubre 10. Nasa korte sila sa Quezon City sa panahon na iyon para magpyansa sa hiwalay na kasong robbery. Napalaya sila matapos magpyansa.

Published: 1:40 p.m. October 26, 2022
Updated: 11:00 a.m. October 28, 2022

AB: Lider-manggagawa ng Quezon City, inaresto sa gawa-gawang kaso