Balita

Lider-mangingisda, ikalimang kandidato ng Makabayan para sa Senado

, ,

Mangingisda naman! Ito ang sigaw sa Navotas noong Agosto 19 nang ianunsyo ni Ronnel Arambulo ng Pamalakaya na tatakbo siya pagkasenador sa eleksyong 2025. Isinagawa ang kanyang anunsyo sa komunidad ng mangingisda sa P. De Vera St sa syudad, na ngayo’y nahaharap sa demolisyon ng kanilang mga tahungan para bigyan-daan ang proyektong reklamasyon ng San Miguel Corporation. Dinaluhan ang kanyang pulong-deklarasyon ng kapwa niya mangingisda, mga manggagawa, maralita, magsasaka at katutubo, gayundin ng kabataan.

Lampas dalawang dekada nang lumalaban, una bilang akbistang kabataan, at kalaunan bilang aktibistang mangingisda, si Arambulo. Tubong Rizal, nagmula siya sa isang maralitang pamilya ng mga mangingisda sa Malakaban, Talim Island, Binangonan. Naging lider siya ng kabataan at estudyante at kasapi ng Anakbayan noong kalagitnaan ng dekada 2000. Noong 2007, naging kasapi siya ng Pamalakaya. Nagsilbi siyang tagapangulo ng Anakpawis Partylist sa Binangonan at nahalal na pinunong prubinsyal ng Anakpawis-Rizal. Nagsilbi din siyang konsehal ng Barangay Makalaban sa loob ng anim na taon. Mangingisda siya sa Laguna de Bay. Sa edad na 48, tumatayo siya ngayon bilang pangalawang tagapangulo ng Pamalakaya.

Bilang upisyal ng Pamalakaya, nanguna siya sa paglaban ng mga komunidad sa baybay laban sa reklamasyon, pribatisasyon at iba pang porma ng kumbersyon ng katubigan at karagatan. Kamakailan, naging bahagi siya ng mga protesta para igiit ang karapatan sa pangingisda ng mga Pilipinong mamamalakaya na sinasagkaan ng China. Kasabay nito, naninindigan siya para sa pagpapatalsik ng mga pwersang Amerikano sa teritoryong dagat ng Pilipinas.

“Sa West Philippine Sea, patuloy na hindi nakakapangisda ang mga Pilipino dahil sa umiigting na presensyang militar hindi na lamang ng China, kundi pati ng mga karibal nitong bansa tulad ng Estados Unidos… Sa ibang mayor na pangisdaan tulad ng Manila Bay, kabi-kabila ang kalamidad na dinanas ng mga mangingisda bunga ng reklamasyon at iba pang anyo ng pribatisasyon,” pahayag ni Arambulo.

“Kasinghalaga ng representasyon ng uring manggagawa ang kinatawan ng mga mangingisda. Mahalaga na maipalaganap ang tunay na kalagayan at mga panawagan ng mga sektor na pundasyon ng ekonomya at lipunan,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno.

“Panahon nang magkaroon ng tunay na boses na magdadala sa adyenda ng mga mangingisda at magbubukid sa Senado. Ang buong sangkababaihang magsasaka ay suportado si Ronnel Arambulo dahil consistent siyang tagapagtanggol ng karapatan ng mga mangingisda at ipinaglalaban niya ang pambansang soberanya,” pahayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at konsultant ng Gabriela Women’s Party sa mga usapin kaugnay sa kababaihang magsasaka.

“Sa gitna ng nagpapatuloy at papalala pa ngang banta sa ating karagatan, pangisdaan, at mismong mga komunidad sa kostal dulot ng pandarambong sa kalikasan na siyang dahilan ng pagiging pinakamahirap na sektor ng mga mangingisda, napapanahon na magkaroon ng representante ang sektor ng mga mangingisda sa senado,” pahayag naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment na nag-endorso sa kanyang kandidatura. “Bukod pa sa napakahalagang papel ng mga mangingisda bilang prodyuser ng ating pagkain.”

Nagpahayag din ng suporta ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas kay Arambulo. Anito, kailangang-kailangan ng mga kinatawan tulad niya na mula sa batayang sektor sa Senado para isulong ang mga progresibong batas at reporma para sa kagalingan ng mas nakararami. “Kailangan ng bagong pulitika ng pagbabago na alternatibo sa kasalukuyang pulitikang bulok at dominado ng mga dinastiya,” anito.

“Karangalan naming batiin si Ronnel Arambulo sa senatorial slate ng Makabayan,” pahayag naman ni Makabayan co-chairperson Neri Colmenares. “Mahalagang dagdag sa aming tim ang kanyang malawak na karanasan bilang lider sa komunidad at walang kapagurang pagsusulong sa mga karapatan ng mangingisda.”

“(M)akakaasa si Ka Ronnel Arambulo na sa kaniya ang boto ng libu-libong mangingisda ng Navotas,” deklara ng mga mangingisda sa ilalim ng Pamalakaya-Navotas. “Ubos-kaya rin namin siyang ikakampanya. Dahil ang kanyang tagumpay ay aming tagumpay!”

Panglimang kandidato ng Makabayan si Arambulo. Kahanay niya sina Rep. France Castro, Rep. Arlene Brosas, Ka Jerome Adonis at dating Rep. Liza Maza, na una nang nag-anunsyo.

AB: Lider-mangingisda, ikalimang kandidato ng Makabayan para sa Senado