Balita

Limitadong programang ₱20/kilos bigas, binatikos ng mga ekonomista

Binatikos ng mga ekonomista sa Ibon Foundation ang programang ₱20/kilong bigas sa tinaguriang “Benteng Bigas Meron Na!” (BBM Na!) bilang pakulo na hindi tumutugon sa ugat ng krisis ng matataas na presyo ng bigas.

“Walang sinseridad ang programag ‘BBM Na!’ Nirarasyon lamang nito ang bigas sa mahihirap na pamilya, tinitipid ang pondo at pinababayaan ang milyun-milyon na hirap ring bumili ng pagkain,” ayon sa Ibon Foundation sa isang pahayag noon Mayo 23.

Unang inilunsad ang programa sa Cebu noong Mayo 1 pero agad ding itinigil dahil sa batikos na ginagamit lamang ito ng pangkating Marcos para magpabango sa eleksyon. Noong Mayo 13, pinalawak ang saklaw ng pakulo sa 30 Kadiwa center sa Metro Manila at katabing mga prubinsya. Limitado ang makabibili nito sa mga benepisyaryo ng 4Ps, senior citizen, solo parent, at mga person with disability. Hanggang 30 kilo lamang ang maaari nilang bilhin kada buwan.

Sa likod ng pagmamayabang ng rehimen, sinabi ng Ibon na ang ₱4.5-bilyong alokasyon para sa programa ay sasaklaw lamang ng 997,761 pamilya hanggang Disyembre 2025. Wala pa itong kalahati sa mga benepisyaryo pa lamang ng 4Ps. Hindi din sapat ang 30-kilo-kada buwan dahil ang karaniwang pamilyang Pilipino ay kumokonsumo ng abereyds na 50 kilo kada buwan, ayon na rin sa Philippine Statistics Authority.

“Ang limitadong 30-kilo kada buwan ay kulang nang 20 kilo sa 50-kilong konsumo ng 5-kataong pamilyang Pilipino,” ayon sa Ibon.

Nasa ₱43/kilo-₱50/kilo pa rin ang pinakamumurang klase ng bigas sa mga palengke nitong Mayo.

Batid ng lahat na ang programang ₱20/kilong bigas ay gimik lamang para apulain ang galit ng mamamayan sa isang pangakong hindi natutupad hanggang ngayon. Inaamin kahit ng Department of Agriculture ang limitasyon ng programa. Nagpalusot pa ito na magkakaroon ng problema sa bilihan ng lokal na palay kung palalawakin ng ‘BBM Na’ para saklawin ang 15 milyong pamilya o kalahati ng populasyon.

Matagal na kinukundena ng mga magsasaka ang programang liberalisasyon ng importasyon ng bigas na pumupinsala ng maliliit na magsasaka na anila’y nagpapababa sa bilihan ng lokal na palay at binabangkarote sila. Panawagan nila ang pagtigil sa pagsandig sa imported na bigas, pagbigay ng direktang suporta sa mga magsasaka, maramihang pagbili ng lokal na palay sa rasonableng presyo at pagbebenta rito sa mababang presyo, at pagkumpuni ng imprastruktura sa agrikultura tulad ng mga sira-sirang irigasyon.

“Nasa kalagitnaan na ng termino nito ang administrasyong Marcos, pero bigo pa rin itong makamit ang abot-kayang bigas dahil tumatanggi itong gumawa ng mapagpasyang mga hakbang,” ayon sa Ibon.

AB: Limitadong programang ₱20/kilos bigas, binatikos ng mga ekonomista