Luksang Bayan para sa mga biktima ng trahedya ng araw ni Lapu-Lapu Day sa Canada, inilunsad
Naglunsad ng Luksang Bayan o prayer vigil noong Abril 28 ang mga demokratikong organisasyon sa Canada, mga organisasyon ng mga Pilipino sa Canada at Bayanihan Community Center upang sama-samang magdasal at magluksa para sa mga biktima ng karumal-dumal na insidente noong Abril 27. Samantala, idineklara ng Migrante Canada ang araw na ito bilang araw ng pagluluksa ng mga komunidad ng Pilipino sa Canada at kanilang mga taga-suporta.
Bandang alas-8 ng gabi, patapos na ang selebrasyon ng Araw ni Lapu-Lapu sa Vancouver nang sadyang sagasaan ng isang indibidwal, gamit ang kanyang sasakyang SUV, ang mga kalahok sa pagdiriwang. Umabot sa 11 ang namatay habang hindi bababa sa 20 ang sugatan at nasa kritikal ang kalagayan. Nasa edad 5 hangang 65 ang mga namatay sa insidente. Tinatayang 100,000 katao ang dumalo sa selebrasyon.
Agad na naaresto ang salarin na si Kai-Ji Adam Lo, residente ng Vancouver na ayon sa pulisya ay may kasaysayan ng “mental health-related interactions” sa awtoridad. Idineklara ng kapulisan ang insidente bilang “pinakamadilim na araw” sa kasaysayan ng syudad. Kinasuhan ang salarin ng walong bilang ng pagpatay.
Noong 2023, upisyal na dineklara ng gubyerno ng British Columbia, Canada ang April 27 bilang Lapu-Lapu Day bilang pagkilala sa mayamang kultura na ambag ng komunidad ng mga Pilipino-Canadian, isa sa pinakamalaking grupo ng migrante sa prubinsya. Ayon sa upisyal na sensus ng Canada noong 2021, nasa 172,915 na Pilipino ang nakatira sa British Columbia, na bumubuo sa 3.46% ng populasyon.
Sa Vancouver, ipinagdiriwang nila ang araw ni Lapu-Lapu bilang pagkilala sa kabayanihan ni Lapu-Lapu na magiting na nakipaglaban at bumigo sa pwersa ni Ferdinand Magellan sa Battle of Mactan. Sa pagdiriwang ito ipinapakita ang makulay na pamanang kultura ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga parada, konsyerto, pangkulturang pagtatanghal, pagpapalabas ng mga pelikula, mga tindang Pilipinong pagkain at produkto at torneyo ng basketball.
Nanawagan ang Migrante Canada ng buo at masaklaw na imbestigasyon at mabilis na hustisya. Nanawagan rin sila sa embahada ng Pilipinas sa Ottawa at sa Philippine Consulate General sa Vancouver na magbigay ng kagyat at sapat na tulong sa mga kanilang kababayan.
Nagpaabot naman ng pakikiisa at pagdadalamhati ang mga organisasyon ng mga Pilipino sa Canada, demokratikong organisasyon ng mga Pilipino sa Canada at USA tulad ng Anakabayan Canada, BAYAN Canada, BAYAN British Columbia, GABRIELA British Columbia, Malaya Canada, Malaya Movement USA, BAYAN USA at mga indibidwal sa Pilipinas at ibayong dagat para sa mga biktima at kanilang pamilya sa naturang trahedya.