Maagang pagbubuntis ng kababaihan, bunga ng palpak na sistema
Nagbigay ng isang privilege speech si Atty. Renee Co, kinatawan ng Kabataan Partylist sa Kongreso noong Agosto 20, nanawagan siya para sa tugunan ang dumaraming kaso ng pagbubuntis ng mga kabataang kababaihan.
Ayon kay Atty. Co ang hindi planadong pagbubuntis ng kabataang kababaihan ay hindi usapin ng pagbagsak ng moralidad ng isang indibidwal, kundi isang kapalpakan ng sistema.
Batay sa datos ng Philippine Commission on Population (POPCOM), nasa 500 kabataang kababaihan ang araw-araw na nanganganak sa bansa. Ang Pilipinas rin ang isa sa may pinakamataas na tantos ng mga kabataang nanganganak sa ASEAN. Ganunpaman, maraming kaso ng pagbubuntis ay bunga ng karahasan. Mahigit sa kalahati ng kabataang nabubuntis ay bunga ng pangagagahasa ng kanilang ama, tito o lalaking kamag-anak, at mas dumami pa noong panahon ng pandemya.
“Sa halip na proteksyon, ang tahanan mismo—na dapat ay isang kanlungan kung saan tayo ligtas—ay nagiging kulungan ng pang-aabuso para sa maraming batang babae,” paliwanag ni Atty. Co.
“Ang siklo ng kahirapan at ‘dependency’ ay hindi isang aksidente, ito ay umiiral upang paboran ang malalaking kumpanya na pinagsasamantalahan ang kababaihan at kabataang ina na naghahanap ng trabaho at serbisyo,” dagdag ni Co.
“Panahon na para basagin ang siklo ng pagpapabaya at pagsasamantala. Maliban sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas hinggil sa karahasan laban sa kababaihan at bata, kailangan natin baguhin paano tugunan ng estado ang karahasan sa kababaihan at mga bata. Kailangan nating palawakin ang akses ng kabataan sa serbisyong pangkalusugan at reproduktibo, pagpapayo, ligtas at demokratikong espasyo at mga klinika na hindi nagpapahiya sa mga humihingi ng tulong” pahayag ni Atty. Co.
Isinagawa ang talumpati kasabay ng paghain ng Kabataan ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill.