Madaliin ang paglalabas ng 'Writ of Kalayaan,' panawagan ng pamilya ng mga bilanggong pulitikal
Nagtipun-tipon ang pamilya ng mga bilanggong puliitkal sa harap ng Korte Suprema sa Maynila noong Disyembre 10, Internasyunal Araw ng Karapatang-tao, para ipanawagan sa korte ang kaagad na paglalabas ng “writ of kalayaan.” Ang naturang writ ay isang ligal na remedyo para paluwagin ang mga kulungan at tugunan ang karapatan ng mga bilanggo sa bansa.
Unang iminungkani ang writ of kalayaan ni Associate Justice Marvic Leonen noong 2020 kasunod ng petisyon ng Kapatid, grupong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal, na palayain ang bulnerable sa sakit na mga bilanggo noong panahon ng pandemya.
Kasabay ng pagkilos ng mga pamilya, isinumite nila ang isang apela sa Korte Suprema para pabilisin ang proseso ng paglalabas nito. Anang Kapatid, sana ay maging isang regalo ito ngayong kapaskuhan para sa mga bilanggong pulitikal at magsilbing pagkilala sa kanilang mga karapatang-tao at dignidad bilang mga preso.
“Ang mga kondisyon sa mga bilangguan sa Pilipinas ay lubhang kakaawa-awa, na nagiging sanhi ng malupit at hindi pangkaraniwang parusa, at kahit hayagang pagpapahirap,” paliwanag ng grupo sa apela sa korte. Hinimok nila ang Korte Suprema na bumisita sa mga kulungan para masaksihan ang kalunus-lunos na kalagayang iyon.
Noong 2022, mayroong tatlo hanggang apat na bilanggo ang namamatay kada araw sa mga kulungan ng Pilipinas. Hindi ligtas sa kalagayang ito ang mga bilanggong pulitikal. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, walong bilanggong pulitikal na ang namatay sa mga sakit na pinalubha ng pinatagal na pagkukulong ng estado.
Sa tala ng Karapatan, mayroong kasalukuyang 757 bilanggong pulitikal sa bansa kung saan 103 ay matatanda at 97 ang maysakit. Nasa 156 sa mga bilanggo ay kababaihan, habang 17 naman ay mga konsultant pangkapayapaan at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Sa harap ng korte, isa-isang nagsalita ang ilang mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal para umapela sa mga mahistrado. Kabilang sa mga nagtalumpati ang mga apo nina Lola Virginia Villamor, 73, at asawang si Alberto Villamor, 69. Ang mag-asawa ay inaresto noong Nobyembre 8, 2018 sa kanilang bahay sa Quezon City kasunod ng pinalalabas ng mga pwersa ng estado na pagkasamsam sa kanila ng mga armas at pampasabog.
“Anim na taon na mula nang si Lola Virginia Villamor ay nakulong at halos hindi na siya makalakad ngayon. Labas-masok na siya sa ospital at natatakot kami sa lumalala niyang kalusugan,” pahayag ni Symone Villamor, kanyang apo. Dagdag naman ni Andrei Villamor, apo ng mag-asawa, “alam namin ang katotohanan…wala sa aming mga lolo at lola ang mayroong baril.”
Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, ang mag-asawa ay idinawit lamang ng mga pwersa ng estado sa pagkakakulong at pag-aresto kay Vicente Ladlad, isang konsultant pangkapayapaan ng NDFP. Dinampot si Ladlad sa bahay ng mga Villamor nang makaisang-panig na ibinasura ng dating rehimeng Duterte ang usapang pangkapayapaan at ipinag-utos ang pag-aresto sa lahat ng mga konsultant nito.
Ibinahagi pa ni Lim na ang mag-asawang Villamor at si Ladlad ay kabilang sa 76 na biktima ng “search warrant factory” ni Judge Cecilyn Villavert. Halos lahat ng mga biktima ng mga mandamyento na ito na nagresulta sa iligal na mga pag-aresto ay naibasura na sa kasalukuyan.
Umaasa sila at ang buong Kapatid na ipagkakaloob ng korte ang ligal na remedyong ito sa pinakamadaling panahon. “Kakapit kami sa kahit anong posibilidad na nagbibigay sa amin ng pag-asa,” ayon pa kay Lim.
Samantala, binatikos ng grupo ang panggigipit ng Bureau of Corrections sa mga bilanggong pulitikal sa nagdaang mga linggo. Ayon sa grupo, pinagbabawalan ng BuCor ang pagpapasok ng water dispenser, mga rice cooker at electric fan para sa mga bilanggong pulitikal sa New Bilibid Prison. Malinaw umano itong porma ng diskriminasyon at panggigipit dahil pinahihintulutan naman nito ang ibang mga preso.