Balita

Mag-ama, pinaslang ng 87th IB sa Samar

,

Pinagbabaril at napatay ng mga sundalo ng 87th IB ang mag-amang magsasaka sa Sto. Ñiño, Paranas, Samar noong Pebrero 5. Pinalabas ng berdugong militar na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang mga sibilyan para takasan ang kanilang krimen at pananagutan sa internasyunal na makataong batas.

Ayon sa mga ulat, ang mag-amang sina Renato at Rey­mark Gabac ay patungo sa kanilang sakahan ng alas-8 ng umaga para asikasuhin ang kanilang kalabaw nang barilin ng mga sundalo. Kwento ng mga residente, napagkamalan ng mga sundalo na Pulang mandirigma ang dalawa kasunod ng isang labanan noong 4:20 ng madaling araw sa malayong bahagi ng hangganan ng Barangay Sto. Niño at Barangay Maylobe.

Kababalik lamang ni Renato sa Samar mula sa pamamalagi sa Maynila sa ilang panahon. Ayon sa impormasyon, umalis siya ng Samar noong nakaraang taon matapos hindi tantanan ng ng 87th IB na magsilbing aset-paniktik ng militar sa kanilang barangay laban sa hukbong bayan. Dahil labag sa kanyang kalooban at sa takot sa mga sundalo, umalis siya sa prubinsya.

“Malayo sa lugar na iyon ang sinasabi nilang pinaglabanan na kampo ng BHB,” pahayag ng BHB-Western Samar. Sa kanilang palagay, pinatay ang dalawa dahil sa desperasyon ng mga sundalo nang bigo silang makapinsala sa mga serye ng pag-atake at engkwentro sa mga yunit ng BHB noong unang linggo ng Pebrero.

Sa ulat ng yunit, nabigo ang isang kumpanya ng 82nd DRC na lipulin ang isang pangkat o tim ng BHB sa Barangay Calapi, Motiong noong Pebrero 1. Anang BHB-Western Samar, epektibong nakapagdepensa ang mga Pulang mandirigma kung saan isang upisyal ng DRC ang napatay habang ligtas na nakaatras nang walang kaswalti ang maliit na pangkat.

Ligtas ding nakaatras ang yunit ng BHB-Western Samar sa naganap na engkwentro noong Pebrero 5. Sa inis at galit ng militar, nagpakawala ito ng 17 bala ng mortar sa hayok na layuning matamaan ang yunit ng BHB.

“Walang kahihiyan nilang ipinangalandakan ang kanilang tagumpay gayong kitang-kita kahit sa larawang sila mismo ang kumuha na itak lamang ang dala ng mag-ama,” pahayag ng BHB-Western Samar. Binihisan pa umano ng mga sundalo at pinalitan ang suot na damit ng mag-ama na ayon sa mga taga-barangay ay hindi iyon ang kanilang damit nang umalis sa kanilang bahay.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang BHB-Western Samar sa naiwang mahal sa buhay ng mag-amang Gabac. “Ipinangangako namin na darating ang panahon na pagbabayarin ng rebolusyonaryong kilusan ang pusakal na 87th IB sa kanilang karumaldumal na krimen laban sa mamamayan,” anito.

___
Updated: February 22, 2025

AB: Mag-ama, pinaslang ng 87th IB sa Samar