Mag-asawang magsasaka, inaresto ng 62nd IB

,

Hindi makatarungang inaresto ng mga sundalo ng 62nd IB ang mag-asawang magsasaka na sina Jerry Montefalcon, 49, at Maricel Alper sa kanilang tinutuluyang bahay sa Sityo Natuling, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental nong Abril 15.

Sinugod ng mga sundalo ang bahay ng pamilya bandang alas-4 ng madaling araw, sa katahimikan ng komunidad at panahon ng pagpapahinga. Dinala sila sa istasyon ng pulis sa Canlaon City. Ang mag-asawa ay mayroong pitong anak.

Sinampahan ng gawa-gawang kasong pagpatay at illegal possession of firearms and explosives si Montefalcon at idinadawit sa mga armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla. Binansagan pa siya ng militar at pulis na “most wanted” na Pulang mandirigma sa Negros Oriental.

Si Montefalcon ay malaon nang biktima ng panggigipit at pananakot ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pulis at ng National Task Force-Elcac simula pa Disyembre 2018. Noong Abril 2022, tinangka nang arestuhin si Montefalcon nang lusubin ng 62nd IB ang kanyang bahay at pinalalabas na mayroong nakuha na .38 rebolber. Hindi siya nadakip sa panahong ito dahil wala sa bahay at nagtatrabaho sa tubuhan. Dulot ng insidente, napilitan siyang magpa-“clear” ng pangalan sa PNP Canlaon City noong Agosto 2022.

Sa isang pahayag, inilinaw ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, “wala sa roster ng BHB si Jerry Montefalcon.” Paliwanag pa ni Regalado, matagal nang nagsasaka si Montefalcon sa naturang lugar.

Giit pa ni Regalado, “ang iskemang ito [ng pag-aresto sa mga sibilyan] ay ginagawang gatasan ng AFP, PNP at NTF-Elcac.” Dagdag pa niya, ang nangyari sa mag-asawa ay manipestasyon ng korapsyon ng militar.

AB: Mag-asawang magsasaka, inaresto ng 62nd IB