Mag-asawang magsasaka, pinatay ng 79th IB sa Negros Occidental

,

Brutal na pinaslang ng mga sundalo ng 79th IB ang mag-asawang magsasaka na sina Christian Job Vargas at Mailyn Salgado noong Oktubre 17 sa Sityo Nabalas 1, Barangay Canlusong, E.B. Magalona, Negros Occidental. Pinasubalian ng ina ni Vargas na si Jocelyn ang paratang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay ang dalawa sa isang armadong engkwentro ng yunit nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ayon kay Jocelyn, ang dalawa ay pawang mga magsasaka at mayroong inaasikasong taniman ng saging, mga prutas at iba pa sa kanilang barangay. Sa salaysay niya, ang mga biktima ay nagpunta sa kanilang sagingan na may layong 500 metro mula sa kanilang bahay bandang alas-2 ng hapon. Nang pauwi na ang mga ito bandang alas-4 ng hapon ay nakasalubong ng mga sundalo at basta-basta na lamang pinagbababaril at pinatay.

Naulila ng mag-asawa ang kanilang tatlong anak na edad 5 taong gulang, 1 taong gulang at limang buwang gulang na sanggol. Hustisya ang giit ng mga kaanak para sa mga biktima. Anila, dapat papanagutin ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Ang mag-asawa ay ilang taon pa lamang naninirahan sa Barangay Canlusong ayon kay Jocelyn. Dati umanong nakatira ang dalawa sa Higantes Island sa prubinsya ng Iloilo at noong 2018 lamang lumipat sa Negros Occidental.

Pagbabahagi pa ni Jocelyn sa isang panayam sa lokal na radyo, hindi ito ang unang pagkakataon na ginipit ang kanilang pamilya ng mga sundalo. Aniya, ilang ulit na rin siyang binalikan ng mga militar para “pasukuin” bilang mandirigma ng BHB ngunit tumatanggi siya dahil wala itong katotohanan.

Samantala, ang tiyuhin ng biktima na si Rene Vargas, 67, at asawa nitong si Rosalie Vargas ay napilitang “sumuko” sa militar at ipinaloob sa bogus na programa ng gubyerno na “rebel returnee” at ipinailalim sa kung anu-anong mga pekeng proseso. Dati rin umano silang pinag-iinitan ng militar.

Sa isang pahayag, kinundena ng BHB-Negros Island, ang pagpaslang ng militar sa mag-asawa. Ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros, inilalantad nito ang malawakang kultura ng kawalang pakundangan at kawalang pananagutan sa hanay ng AFP.

Pinatotohanan din ng BHB ang pahayag ng mga residente at kaanak ng biktima na walang armadong engkwentrong naganap sa lugar. Anito, “walang armadong pwersa ng BHB sa Barangay Canlusong, EB Magalona…walang engkwentrong nangyari…walang armas at ibang kagamitan ng BHB na nakuha ang militar…walang napasok na kampo.”

“Sa bahagi ng BHB-Negros, patuloy kaming magsisikap na makamtan ang hustisya para sa lahat ng mga biktima ng de facto na batas militar sa isla,” ayon pa kay Ka Maoche.

AB: Mag-asawang magsasaka, pinatay ng 79th IB sa Negros Occidental