Mag-asawang magsasaka sa Kabankalan City, tinakot ng mga pwersa ng estado
Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement-South Negros ang ginawang pananakot ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mag-asawang Response sa Barangay Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Enero 21. Pinararatangan ng mga sundalo ang mag-asawa na mayroong kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros Island.
Ayon sa grupo, kinausap ng dalawang lalaki na nagpakilalang mula sa “task force” ng militar sa syudad si Soriano Response, isang barangay tanod at lider ng PAMANGGAS CA (Asosasyon sang Mangunguma kag Mamumugon sa Salong Kag Camansi), habang nasa barangay hall at nagbabantay doon. Humiling umano ng isang “dayalogo” ang mga ito kay Response at kanyang asawa para linawin ang mga paratang sa kanila na may ugnayan sa hukbong bayan.
Pinararatangan ng mga ito ang asawa ni Response na “ipinagluto ng pagkain” ang mga Pulang mandirigma ng BHB noong Enero 17. Kaagad itong pinasinungalingan ni Soriano at sinabing walang ganoong ginagawa ang kanyang asawa.
“Nagdulot ng takot sa mag-asawa ang insidente dahil pinararatangan silang suporter ng BHB,” ayon sa September 21 Movement-South Negros. Ibinahagi pa ng grupo na kaagad na nagsumbong at nagpa-blotter ang mga ito sa barangay para mairekord ang insidente.
Matatandaan na noong huling kwarto ng 2024 ay katulad na paratang ang ginamit ng AFP laban kay Alaiza Lemita para sampahan siya ng kasong “terrorism financing” o paglabag sa RA 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012. Sa kasong ito, inaakusahan si Lemita na diumano’y nagbigay ng dalawang sako ng lutong bigas, adobong baboy, at Php 50,000.00 sa mga nakaligtas na miyembro ng BHB noong Marso 10, 2017 sa Barangay Banilad, Nasugbu, Batangas.
Si Lemita ay kapatid ni Chai Evangelista—isa sa mga walang-awang pinatay ng labimpitong kapulisan sa Nasugbu, Batangas at biktima ng madugong operasyong “Bloody Sunday Massacre” kung saan siyam na aktibista, lider manggagawa, at organisador ang pinatay ng estado sa Southern Tagalog noong 2021.