Magaang hatol ng korte sa mga pulis na pumatay sa menor-de-edad na mangingisda sa Navotas, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Pagkakait ng hustisya,” para sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang napakababang hatol ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 286 laban sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang sa 17-anyos na binatang mangingisda na si Jehrode “Jemboy” Baltazar noong Agosto 2, 2023. Si Baltazar ay pinatay ng mga pulis nang paulanan ng bala matapos mapagkamalan diumano siyang isang suspek.

Sa ulat, naglilinis si Baltazar ng kanyang bangka, kasama ng isa pa, sa ilog sa Barangay NBBS Kaunlaran, Navotas City nang dumating ang mga pulis mula sa PNP-Navotas City noong Agosto 2, 2023. Sa salaysay ng mga pulis, tumalon si Baltazar sa ilog, bago sila nagpaputok. Pero ayon sa salaysay ng kanyang kapatid, nagpaputok na ang mga pulis, bago nahulog sa ilog ang biktima. Nang nasa tubig, pinaulanan siya ng bala na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Tinamaan siya ng bala sa kanyang kanang kamay, na isang “defensive wound,” at mayroong isa pang tama ng bala sa likod ng kanyang tainga, na may “exit wound” sa kanyang ilong. Tatlong oras pa ang lumipas bago kunin ng mga pulis ang kanyang bangkay mula sa tubig. Ayon kay Dr. Raquel Fortun, isang forensic pathologist, may posibilidad na buhay pa si Baltazar kung nakuha lamang siya kaagad sa ilog.

Sa hatol ng korte, isa lamang sa anim na pulis na sangkot na sinampahan ng kasong pagpatay ang hinatulang maysala sa mas mababang krimen na homicide. Illegal discharge of firearms o iligal na pamamaril lamang ang hatol sa apat pa, habang ang isa ay ipinawalang-sala.

Makukulong ng higit apat na taon si Police Staff Sergeant Gerry Maliban alinsunod sa hatol sa kanya. Pinagbabayad din siya ng danyos na ₱50,000 sa kanyang krimen. Liban sa anim na pormal na kinasuhan at nahatulan, ang mga upisyal ng pulis na mayroong kinalaman sa naturang krimen ay ipinailalim lamang “administratibong suspensyon” noong nakaraang taon.

“Nararapat na makulong ang lahat ng mga pulis na sangkot sa pagpaslang…ang kamakailang hatol sa mga pulis ay nakapanggagalit at dapat kundenahin,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapagsalita ng Pamalakaya. Giit niya na napakalinaw nitong manipestasyon ng “impunity” o kawalang pakundangan at tahasang pagbalewala ng estado sa buhay ng ordinaryong mga mamamayan.

Ganito rin ang sentimyento ng grupong Karapatan. Ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo, “ang magaang na hatol at mahinang parusa sa mga pulis…ay nagpapakita kung paanong pinananatili ng sistema ng hustisya sa Pilipinas ang impunity, kung saan ang mga nasa poder na gumagawa ng krimen ay hindi buung-buong napapanagot.”

Naninindigan din ang pamilya ng binatilyo na hindi sapat ang ipinataw na parusa sa mga pumaslang sa kanilang anak. “Siya [maliban] po apat na taon lang siya makukulong. ‘Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila ‘yung anak ko barilin tapos ano? Gano’n lang? Makakalaya lang sila,” pahayag ng ina ni Balatazar.

Labis ang kanyang galit na tinrato ng mga pulis na parang aso o pusa lamang ang buhay ng kanyang anak. “Nasaan po ‘yung hustisya, ‘yung katarungan para sa anak ko?” aniya.

Nagpaabot ng pakikiisa ang Pamalakaya sa pamilya ni Baltazar. “Nakikiisa kami sa paglaban ng pamilya ni Baltazar, kanyang mga kaibigan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao sa inhustisyang ito,” dagdag ni Hicap. Aniya, itutuluy-tuloy ng kanilang grupo at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ang kanilang pakikibaka para makamtan ang hustisya at hindi na maulit pa ang ganitong krimen ng mga pwersa ng estado.

AB: Magaang hatol ng korte sa mga pulis na pumatay sa menor-de-edad na mangingisda sa Navotas, binatikos