Magkokopra sa Quezon, pinaputukan bago arestuhin ng 85th IB
Nasugatan sa paa ang magkokopra na si Ronilo Villanueva matapos paputukan ng mga sundalo ng 85th IB sa Barangay Guinhalinan, San Narciso, Quezon noong Disyembre 12. Kasunod nito, inaresto siya at isa pang magkokopra na nagngangalang “Genero” sa paratang na sumusuporta sila sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinalalabas na isang engkwentro ang pamamaril. Nagkakayod si Villanueva ng niyog pangkopra nang paputukan siya ng mga sundalo.
Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao kabilang ang Tanggol Quezon ang pamamaril at iligal na pag-aresto sa mga magkokopra. Anila, seryosong paglabag ito sa internasyunal na makataong batas.
Para tuntunin at tiyakin ang kaligtasan ng mga biktima, kaagad na nagsagawa ng humanitarian mission ang Karapatan-Southern Tagalog sa naturang barangay. Katulad sa nakaraan, nagtayo ng mga tsekpoynt ang militar upang harangin at gipitin ang mga paralegal.
Pagkarating ng grupo sa barangay, tumanggi ang mga upisyal nito na magbigay ng impormasyon sa kanila sa utos ng militar. Namataan din sa tapat ng barangay hall ang sasakyan ng militar at mga tauhang militar na mistulang nagkakampo sa loob ng barangay.
Liban pa, tatlong araw bago dumating sa bayan ng San Narciso ang grupo, sinalubong sila ng “memorandum” mula sa lokal na gubyerno na nagsasabing persona non grata ang iba’t-ibang organisasyon tulad ng Karapatan, Anakbayan, Bayan Muna, Anakpawis, at iba pang mga maka-masang organisasyon. Gumawa rin ang mga sundalo ng huwad na Certification ng Legitimate Encounter upang pagtibayin ang kanilang kasinungalingan ng isang “engkwentro” sa barangay.
Sa kasalukuyan, nakapailalim ang Barangay Guinhalinan sa paghaharing militar ng 85th IB. “Ang walang puknat na pandarahas at intimidasyong ito ay nagpapatunay sa kung gaano kalupit at desperado ang paghahasik ng terror ng 85th IB at 201st IBde sa mga mamamayan ng Quezon,” ayon sa Tanggol Quezon.