Magsasaka, inaresto sa Quezon; pamilya ng biktima, patuloy na ginigipit
Nagpapatuloy ang panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga kaanak ng magsasakang si Rico Endrinal, residente ng Barangay Sugod, Lopez, Quezon ayon sa grupo sa karapatang-tao na Tanggol Quezon. Kasunod ito ng pagdakip sa kanya ng 85th IB at mga elemento ng pulis noong Abril 6 sa hindi pa malinaw na mga dahilan.
Ayon sa Tanggol Quezon, ilang araw matapos ang pagdakip ay walang tigil ang paniniktik, pandarahas at pambabanta ng mga sundalo sa pamilya ni Endrinal. Dagdag ng grupo, “tila nagkampo na nga ang mga ito sa kanilang bahay ilang araw pa matapos hulihin si Endrinal.”
Sa panayam ng grupo kay Eduardo Noriesta, kapatid ni Endrinal, sinabi niyang “talagang ang hinihiling ko lang po sa kanila (sa militar), sana naman po ang pamilya ko ay tigilan na at kami naman po ay nabubuhay lang nang maayos at wala kaming inaaping tao.”
Pinagbantaan ang pamilya na kakasuhan ng rebelyon at pinagbawalang makipag-ugnayan sa mga grupo sa karapatang-tao, sa partikular ang Tanggol Quezon at Karapatan.
“Tigilan na nila (kami), at sawang-sawa na ako,” panawagan ni Noriesta sa mga sundalo.
Iniulat din ng grupo ang paglilipat-lipat ng mga pulis kay Endrinal sa iba’t ibang kulungan. Noong Abril 9, nang nagtungo ang humanitarian team at kaanak ni Endrinal sa Lopez Municipal Police Station ay sinabi ng mga pulis na dinala ang biktima sa Quezon District Jail.
“Bilang pamilya po, sana naman po ay bago nila inilapat ang aming tiyuhin. Hindi po namin alam ngayon kung saan namin pupuntahan. Ngayon po saan kami maghahagilap, saan namin pupuntahan?” ayon kay Isel Noriesta, pamangkin ni Endrinal.
“Nangyari ang paglilipat sa [biktima] nang walang abiso sa pamilya. Hindi rin ipinakita sa pamilya at paralegal ang court order na magpapatunay na nailipat siya sa tamang proseso,” ayon sa grupo. Dagdag ng grupo, ikinakabahala ng pamilya ang paglilipat dahil posibleng ipasailalim siya sa mental torture na anito ay palaging ginagawa sa mga detinidong pulitikal.
Nananawagan ang kaanak ni Endrinal na mapanagot ang mga sundalo’t pulis na gumawa ng pandarahas sa kanila. Labis na takot at pangamba ang kanilang naramdaman dahil sa umiigting na militarisasyon sa kanilang bayan.
Panawagan ni Isel sa mga kapwa biktima ng paglabag sa karapatang-tao, “kung kaya po ninyong bigyan ng hustisya nag inyong mga kamag-anak na nakakaranas ng karahasan, ipaglaban niyo po dahil pare-pareho po tayong may karapatan.”