Magsasaka, pinatay ng 94th IB; anak nito, pinagbabaril din

Isang magsasaka ang dinampot ng 94th IB mula sa kanyang bahay sa Sityo Paloypoy, Barangay Buenavista sa Himamaylan City kahapon at saka ginapos, ininteroga at pinatay sa pamamaril ng mga sundalo. Kinilala ang biktima bilang si Crispin Tingal Jr.

Si Tingal ay isang sibilyang magsasaka sa kanilang lugar. Kauuwi lamang niya sa kanilang bahay mula sa isang seminar sa Kabankalan City na inilunsad ng lokal na gubyerno nang dinampot ng mga sundalo bandang alas-5 ng hapon.

Hindi pa nakuntento, hinabol din ng mga sundalo ang anak ng biktima at pinagbabaril. Nakatakas siya at nakaiwas sa pagpapaulan ng bala ng mga berdugo.

Ayon sa ulat ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros, kasalukuyang nasa sentro ng ebakwasyon ang pamilya para makaiwas sa panggigipit ng mga sundalo. Nasa ebakwasyon din ang hindi bababa sa walong pamilya na apektado ng karahasang militar ng 94th IB.

Hindi pa rin umano natutunton ang kinaroroonan ng bangkay ng biktimang si Tingal.

AB: Magsasaka, pinatay ng 94th IB; anak nito, pinagbabaril din