Balita

Magsasaka sa Negros Occidental, inaresto matapos ang palabas na engkwentro ng 94th IB

,

Inaresto ng mga sundalo ng 94th IB ang magsasakang si Pokoy Rebradilla, kasama ang kanyang anak, matapos ang isang palabas na engkwentro ng yunit ng militar sa Sityo Karanawan-Buli, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Disyembre 7. Dinala siya ng mga sundalo sa hedkwarters nito sa Barangay Tambo, Ayungon, Negros Oriental nang walang ligal na batayan.

Ayon sa mga residente, dalawang beses na nagpaputok sa kung saan-saang direksyon ang tropa ng 94th IB sa Barangay Buenavista bago ang pagdakip kay Rebradilla. Nagsimula umano ang pagpapaulan ng bala noong hatinggabi ng Disyembre 7 habang sapilitang pinasok ang bahay ni Rebradilla. Ipinailalim siya sa interogasyon at tortyur. Muling nagpaputok ang yunit militar bandang alas-3 ng madaling araw.

Pinalalabas ng kumander ng 94th IB na si Lt. Col. Van Donald Almonte na “natunton” nila ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Buenavista “ayon sa ulat ng isang residente.” Nakakumpiska pa umano sila ng isang M16, mga magasin at bala, at isang pares ng bota, dalawang tsinelas, isang bakpak at mga personal na gamit. Karaniwan nang taktika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtatanim ng mga armas at kagamitang militar para palabasin na ebidensya.

Taliwas sa pahayag ni Almonte, si Rebradilla ay isang sibilyang magsasaka na kasapi ng Kauswagan sang Mangunguma sang Barangay Buenavista (KMB). Noong nakaraang buwan lamang, Nobyembre 8, inaresto rin ng parehong yunit militar ang kanyang pinsan na si Joel Casusa sa Barangay Buenavista. Pinalalabas din na nakakumpiska sa kanya ang kung anu-anong mga armas at kagamitang militar.

Sa pagbimbin kay Rebradilla sa kampo militar, hindi malabong iharap siya bilang “surrenderee” o sampahan ng patung-patong na mga kaso para ikulong nang mahabang panahon. Sa nagdaang buwan, iniharap ang 94th IB ang hindi bababa sa 25 “surrenderee” na pawang mga sibilyang magsasaka.

Sa ulat ng Ang Bayan, mayroong 155 na biktima ng iligal na pag-aresto at detensyon mula Disyembre 1, 2022 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Samantala, naitala ng grupong Karapatan ang higit 500 biktima ng pekeng “pagpapasuko” sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

AB: Magsasaka sa Negros Occidental, inaresto matapos ang palabas na engkwentro ng 94th IB