Operasyong haras, ikinasa ng BHB-Southwest Negros kontra sa 15th IB

Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros ang detatsment ng 15th IB sa Sitio Pangi, Barangay Inayawan, Cauyan, Negros Occidental noong Disyembre 11. Tahimik na nilapitan ng yunit ng hukbong bayan ang detatsment bandang alas-8 ng gabi para bulabugin ang nagpapahingang mga sundalo.

Imbwelto ang 15th IB sa paghahasik ng teror sa panahon ng mga focused military operation nito sa mga barangay ng Cauayan, Sipalay City, Candoni, Kabankalan City at Ilog sa nagdaang taon. Hindi bababa sa 40 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang naitala ng Ang Bayan na may tahasang pananagutan ang 15th IB. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay sa anim na indibidwal at pagdesaparesido sa isa. Umaabot sa 4,000 ang naitalang biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng yunit na ito.

Ilan sa mga kaso ng pagpatay ng batalyon ang pagpaslang sa tatlong magsasaka sa Sipalay City at Cauayan noong Mayo. Pinagbabaril ng mga sundalo ang magsasakang si Gusting Mapos sa Sityo Bajay, Barangay Caliling, Cauayan, Negros Occidental noong Mayo 21, alas-3:30 ng hapon. Ayon sa mga residente, papunta si Mapos sa bukid nang makasalubong ng mga sundalo at basta na lamang pinagbabaril.

Sa Sipalay City, dinakip ng 15th IB si Jonel Bayno, 27 anyos, residente ng Barangay Manlucahoc. Nakita na lamang ang kanyang bangkay na nakahandusay sa Crossing Tanduay, Barangay Camindangan noong Mayo 25. Ilang araw matapos nito, dinakip din ng mga sundalo si Rogelio Lacton, residente ng Barangay Camindangan na natagpuan ring patay at nakahandusay ang bangkay sa Sityo Sadlum sa naturang barangay noong Mayo 27.

Sa mga insidente ng pagpatay, pinalalabas ng 15th IB na mandirigma ng BHB ang mga biktima at napatay sa “engkwentro.” Tumatayong kumander ng batalyon si Lt. Col. Michael Cuarteros.

AB: Operasyong haras, ikinasa ng BHB-Southwest Negros kontra sa 15th IB