Magsasaka sa Negros Oriental, dinampot at sadyang pinaslang ng 62nd IB
Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang brutal na pagpaslang ng mga sundalo ng 62nd IB sa magsasakang si Rolito Tanillo sa Barangay Tala-on, La Libertad, Negros Oriental noong Pebrero 10, alas-7 ng gabi. Anang grupo, dapat papanagutin ang mga sangkot sa krimen dahil sa paglabag ng mga ito sa internasyunal na makataong batas.
Ayon sa ulat, dinampot ng mga sundalo sa kanyang bahay, dinala sa ibang lugar at saka pinaslang sa isang pinalalabas na engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Para palabasin na nagkaroon ng labanan, walang patumanggang nagpaputok ang mga sundalo malapit sa komunidad. Nagdulot ito ng labis na takot sa taumbaryo.
“Bilang pag-uulit sa panawagan ng pamilya para sa imbestigasyon at pananagutan, nananawagan kami sa Commission on Human Rights na manguna sa mga imbestigasyon, magsagawa ng awtopsiya, at papanagutin ang mga sangkot sa pagpaslang,” ayon sa HRAN.
Ayon pa sa grupo, bago pa man ang insidente ay ilang ulit na nakaranas ng panggigipit si Tanillo at kanyang pamilya mula sa mga pwersa ng estado. “Pinasisinungalingan ng karumal-dumal na pagpaslang na ito ng Philippine Army ang inasukalang mga pahayag ng mga upisyal ng brigada at batalyon [sa isla ng Negros] na iginagalang at itinataguyod nila ang karapatang-tao at internasyunal na makataong batas,” dagdag ng HRAN.
Samantala, tinawag ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang pagpaslang ng 62nd IB kay Tanillo bilang duwag na ganting-salakay sa walang kalaban-labang mga sibilyan. Naganap ang pamamaslang matapos ang hakbang-pamarusa ng hukbong bayan sa mapangwasak na konstruksyon ng pamilyang Limkaichong, dinastisyang pampulitika sa La Libertad, sa Barangay Aya noong Pebrero 8.
“Hindi na sikreto sa mamamayan na ang mga despotikong politiko na mga ito ay nagbabayad sa mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) kapalit ng kanilang serbisyo,” ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros.
Liban sa pagpaslang, imbwelto rin ang mga sundalo sa dalawang kaso ng pag-aresto sa mga sibilyan noong Enero 29 at 31. Sa Barangay Linantuyan, Guihulngan City, Negros Oriental, inaresto ang 70-anyos na si Naring Remasog sa hindi malinaw na batayan. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi matiyak ng pamilya kung saan dinala ng mga sundalo ang biktima at kung ano ang kanyang kalagayan.
Sa Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental, inaresto si Bobet Carillo noong Enero 29. Dinala siya ng mga sundalo sa Barangay Kansalungon, Isabela habang ang kanyang asawa at anak ay pinaghukay ng lupa sa ilalim ng kanilang bahay para umano hanapin ang armas na itinago doon ni Carillo. Liban pa, sapilitang pinaggiya sa operasyong kombat si Carillo sa magkakanugnog na mga bayan malapit sa Binalbagan.