Pagpapaliban ng pagdinig ng kaso ni Duterte sa ICC, ikinadismaya ng mga biktima
Lubos na ikinadismaya ng mga biktma at kanilang mga abugado at tagasuporta ang pagpapaliban ng Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa naka-iskedyul na kumpirmasyon ng kasong krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte sa Setyembre 23. Kinatigan ng korte ang pahayag ng mga abugado na “wala sa katayuan” o hindi “fit to stand trial” si Duterte.
Gayunpaman, inilimita ng korte ang pagpapaliban sa “sapat lamang na panahon para itakda kung tunay nga bang walang kakayahang humarap at lumahok sa pre-trial na pagdinig” si Duterte. Sa kasaysayan ng ICC, wala pa itong idineklarang “unfit” para sa pagdinig sa kabila ng mga petisyon ng mga nasasakdal. Inilabas ng korte ang desisyon kaugnay kay Duterte noong Setyembre 8.
“Kilala ang legal team ni Duterte sa pagdadrama at mga pakulo para manlito,” pahayag ni Atty. Neri Javier Colmenares, abugado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers at para sa mga biktima sa Rise Up for Life and for Rights. Aniya’y ilang beses nang ginamit ang taktikang ito ni Duterte at wala siyang naloloko sa desperado, gasgas at kalkuladong pakana para palabasin ang sarili na dehado.
Ang pagiging “fit” para sa paglilitis ay isang factual na bagay na maaari at dapat itakda sa pinakamadaling panahon,” ani Colmenares. Ang totoo, kung masama ang pakiramdam ni Duterte, pwede siyang hindi pisikal na dumalo sa pagdinig at kakatawanin na lamang siya ng kanyang mga abugado, alinsunod sa mga alintutunin na rin ng ICC.
Mula nang ipailalim sa kostudiya ng ICC si Duterte matapos siya arestuhin noong Marso, aktibong nagmamaniobra ang kanyang mga abugado para ibalam at sa kalauna’y ipabasura ang kaso laban sa kanya. Sunud-sunod ang mga petisyon na inihain nila para iwasan ang kumpirmasyon ng asunto. Noong Agosto, naghain sila ng petisyon para sa walang taning na pansamantalang pagpapaliban sa paglilitis.
Nagpahayag din ng katulad na pagkadismaya ang Duterte Panagutin Network Europe.
“Isa na namang mapait at hindi kailangan pagpapaantala ang desisyon na magpapatagal sa paghihintay ng mga pamilya para sa hustisya,” ayon kay Icai Enriquez, kumbenor ng Duterte Panagutin Network Europe. “Ang ibayong pagkaantala sa proseso ng batas ay nagpapaigting sa pagdurusa ng libu-libong mga naulila dahil sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng marahas na rehimen ni Duterte.”
Handa na mga biktima at ang prosekusyon para patunayan ang kaso laban sa sangkatauhan laban kay Duterte. Panawagan nila sa ICC na agad na i-reset ang pagdinig sa pinakamaagang panahon.
Sa kaugnay na balita, kinumpirma ni Jesus Remulla, kalihim ng Department of Justice, na naghahanda na para tumestigo sa ICC ang retiradong upisyal ng pulis na si Royima Garma kaugnay sa patakaran ng pagpatay sa ilalim ni Duterte. Dumating siya sa Pilipinas noong Setyembre 7 matapos tanggihan ng US ang kanyang petisyong mag-asaylum. Lumipad siya tungong Malaysia sa parehong araw para kausapin ang mga upisyal ng ICC.